Bulacan Gov. Daniel Fernando naglabas ng opisyal na pahayag kaugnay sa kumalat na 'Vitamin C packaging'

Matapos kumalat sa social media ng mga larawan ng diumano’y ‘giveaway vitamins’ na may imahe at pangalan ng gobernador ng Bulacan ay naglabas ng pahayag ang opisina ni Gov. Daniel Fernando.

Ang pakete ng bitamin C na may 10 tableta ay ipinamimigay umano sa mga residente. May ilang post ang kumalat sa social media at nabatikos ang gobernador dahil sa paepal umano nitong gawa. Tinawag pa itong ‘cheap campaign’ ng isang netizen.

Ang Facebook page na ‘The Bulacan Memes’ (TBM) ang una umanong nag-upload nito, petsa Enero 14, ayon sa Publiko. “Dili na lang kami magtalk. Bawi na lang sa election,” ang caption dito ng TBM.

Mixed reactions naman ang mga nagkomento sa mga post kaugnay dito. Mayroong mga nagpapahayag ng ngitngit ngunit mayroon din namang nagtatanggol sa ‘pagtulong’ na ito.

“Eto na ba ang bagong labeling requirement para sa gamot? Nabago na pala.”

“Mas malaki pa yung mukha nya kesa sa gamot.”

“Wag na nating siraan ang taong tumutulong. Kung hindi naman pera ng bayan yan, ok na yan.”

“Hindi ho pera ng kaban ang ginamit ni gob dyan, wag kayong manira.”

“Puro kayo reklamo pero tinanggap nyo nman.”

Dahil sa kaliwa’t kanang batikos na natatanggap sa social media ay naglabas na ng opisyal na pahayag ang kampo ng governor ng Bulacan “patungkol sa ipinakalat na Vitamin C packaging na nagtataglay ng kanyang larawan”.

“Una, sa lahat nais naming ipagbigay alam sa publiko na ang kumalat na packaging ng produktong “Vitamin C” na may larawan ng inyong lingkod, Gobernador Daniel R. Fernnando, ay hindi ginamitan ni isang sentimo ng public fund mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan, at wala ring personal na pondong nagmula sa Gobernador.

Nakipag-ugnayan kami sa ating mga kaibigan at tagasuporta upang alamin kung – ang mga produkto ng Vitamin C ay ipinagkaloob sa publiko bilang suporta sa paglaban ng lalawigan laban sa COVID-19 ? O ito ba ay isang political propaganda lamang na naglalayong sirain o maliitin ang mga pagsisikap ng Gobernador, lalu na patungkol sa paglaban sa pandemya.

Sa aming imbestigasyon, ang mga suplemento ay naibigay ng isa sa mga tagasuporta ng Gobernador na may tapat na layunin na mag-ambag sa pagtugon sa pandemya ng pamahalaang panlalawigan. Gayunpaman, ang mga nagtaguyod ng inisyatibong ito ay hindi nakipag-ugnayan sa Tanggapan ng Gobernador. Sa kabila nito, tayo ay lubos na nagpapasalamat para sa mga pagsisikap ng ating mga kaibigan at tagasuporta na ang tanging layunin ay tumulong sa panahon ng matinding krisis.

Sa mga nag-upload ng larawan na nagsasabing ginamit ang pampublikong pondo para sa Vitamin C (nang hindi man lang nabeberipika ang impormasyon)…umaasa kami na ang pahayag na ito ay magbibigay linaw upang mahinto na ang isyu dahil ito ay ginagamit na ng ating mga kalaban sa pulitika para mapagtakpan ang ating magandang track record at pagsisikap sa sama-samang paglaban sa COVID-19.

Nilakipan ang pahayag ng mga hashtag na # StopDisinformation  #FightFakeNews  #StopDirtyPolitics

Post a Comment

Previous Post Next Post