Si Senator Manny Pacquiao ay naging emosyonal nang mapag-usapan sa The 2022 Presidential One-On-One Interviews ni Boy Abunda ang tungkol sa mga kababayang Pilipino na naghihirap.

Ibinahagi ni Pacquiao nitong Biyernes sa talk show host na si Boy Abunda ang kanyang mga plano sa pagtugon sa kagutuman at kawalan ng trabaho ng mga mamamayan sa isang maiksing interview at ang kanyang mga dahilan sa pagtakbo sa pagkapangulo.
“‘Di ‘ko maalis sa akin, emotional ako pagdating sa hirap kasi dumanas kami ng hirap,” wika ni Pacquiao. “Kasama sa programa natin yan, ‘yung pagbibigay ng housing, libreng pabahayan at hanapbuhay para araw araw may pambili sila ng pagkain. Kasi naranasan ko na walang pagkain, walang matulugan. Ang naka-survive sa ‘kin inom lang ako ng tubig.”
“Nagutom kami, tubig lang ang iniinom namin para maka-survive sa isang araw. Iyan ang desire ko, puso ko na tulungan ang mahihirap na tao dahil dumanas ako ng walang pagkain sa isang araw,” madamdaming pahayag ng senador habang nagpipigil na mapaluha.

Sinabi ni rin Pacquiao na ang mabisang paraan para mapigilan ang gutom ay ang pagpapalakas ng ekonomiya ng bansa.
Sa panayam ay muli niyang tinalakay ang kanyang plano, na aanyayahan ang mga kaibigang dayuhang negosyante na mamuhunan sa Pilipinas at magkaroon ng trabaho ang mga mamamayang Pilipino.
“Nandyan naman si Jack Ma na kaibigan natin na may investment sa bansa natin. Sa Amerika marami rin,” ani Pacquiao
Plano rin ng senador na magbigay ng walang interes na mga pautang sa mga maliliit at katamtamang negosyo para sa mahihirap.
“Ang gagawin ng ating gobyerno, maglaan ng pondo, papautangin ang SME na walang interes para makapagstart ng negosyo nila at makapagbigay ng trabaho sa milyon milyong Pilipino,” saad pa ni Pacquiao

Dagdag pa niya, sa kanyang administrasyon ay kanyang isusulong ang libreng pabahay upang walang Pilipinong mag-aalala sa tirahan; nang sa gayun ay makapag-concentrate sa kanilang ikinabubuhay ang mga tao.
Narito at panoorin ang The 2022 Presidential One-On-One Interviews ni Boy Abunda (18:40):