Mayor Vico kay Vice Mayor Iyo: May sinabi ba ako tungkol sa pamilya mo?

Tuloy pa rin ang patutsadahan sa pagitan nina Pasig City Mayor Vico Sotto at Vice Mayor Iyo Caruncho Bernardo.

Sinagot ni Mayor Vico ang pahayag ni Vice Mayor Iyo tungkol sa paghingi nito ng legal advice dahil sa diumano’y pagdungis ng alkalde sa reputasyon ng kaniyang pamilya.

“Dumudulog na po ako ng legal advice sa mga susunod na maaari kong hakbang sa kaniyang mga paratang sa akin. Ang katotohanan ay hindi maitatago. Ito ay lalabas,” sabi ng bise alkalde.

Agad namang sumagot si Mayor Vico sa pahayag na ito. “Bakit ‘family’s reputation’… May sinabi ba ako tungkol sa pamilya niya?” sabi niya sa isang tweet na sinamahan niya rin ng laughing emoji.

Nagsimula ang “word war” sa pagitan nila nang maglabas si Vice Mayor Iyo ng compilation ng mga reklamo sa administrasyon ng alkalde.

Sa flag ceremony na ginanap noong Enero 10 ay sinabi ni Mayor Vico na sinubukan niyang kausapin si VM Iyo ngunit hindi siya nito sinasagot. Dagdag niya pa, sana raw unahin muna  ng bise alkalde ang mga tungkulin bilang public servant bago magreklamo.

[RELATED: Mayor Vico may pasaring sa Vice Mayor: “Bago tayo mamulitika, magtrabaho muna”]

“Walang masama mamuna, pero pagdating sa mga pormal na proseso bilang mga halal ng bayan, kailangan magtrabaho muna tayo. Anong karapatan mamuna kung ‘yong pormal na tungkulin natin, hindi natin ginagampanan,” sagot niya.

Sa isang video ay itinanggi naman ng vice mayor na nakatanggap siya ng mensahe mula kay Mayor Vico. Hindi niya rin daw palalagpasin ang sinabi nitong nasa loob lang siya ng airconditioned room at hindi nagtatrabaho.

“Swerte ka Mayor Vico, sumikat ka ngayong panahon ng social media. Hindi mo naranasan ang panahon na sinusukat ang eleksyon sa husay ng paglilingkod. Sa kalye nasusukat ang tunay na serbisyo, ang tunay na pagmamalasakit,” ani Vice Mayor Iyo.

Magkatunggali sina Mayor Vico at Vice Mayor Iyo sa pagka-alkade sa Pasig sa darating na halalan.

Post a Comment

Previous Post Next Post