Isang malungkot na balita sa larangan ng pageant community ang pagpanaw ng dating Miss USA 2019 Cheslie Kryst, sa edad na 30-anyos, nitong Lunes, Enero 31. Kinumpirma na ito ng kanyang pamilya.
Ang kanyang katawan ay natagpuan bandang 7:05 ng umaga, araw ng Linggo, sa sidewalk sa labas ng Orion Condominium building na kanyang tinutuluyan sa Manhattan.
Sa comments section ng post, nagpahayag ng kanilang pakikidalamhati ang mga kapatiran sa Miss Universe world ni Cheslie, kabilang na sina Iris Miternaire (Miss Universe 2016), Olivia Jordan (Miss USA 2015), at Gazini Ganados (Miss Universe Philippines 2019); pati na rin si Catriona Gray (Miss Universe 2018 ) at Pia Wurtzbach (Miss Universe 2015 ).

Nagbahagi si Catriona ng larawan nilang dalawa ni Cheslie na magkasama.
“Ches… I can’t believe the news. Rest in peace, angel. The world will miss your light,” saad sa Instagram post nito na may kalakip pang dove emoji.
Mensahe naman ni Pia, “So sorry, Cheslie.. you were so kind. Thank you. You’re an inspiration & loved by so many. Rest in peace, Cheslie..”

Kaugnay sa malungkot na pangyayari, hinimok din ni Catriona ang kanyang mga tagahanga na makipag-ugnayan sa kanilang mga kaibigan at mahal sa buhay at sabihin ang kanilang tunay na saloobin, lalo na sa panahon ng pandemya dala ng COVID-19.
“These continue to be isolating times, mental health is so important, let’s not downplay its importance in the lives of every individual,” sentimyento ni Catriona.
Binigyang-pugay din ni Miss Universe 2021 Top 5 finalist Beatrice Luigi Gomez, na kumatawan sa Pilipinas, si Cheslie na bahagi ng listahan ng mga hurado ng pageant, sa kanyang IG stories.

Nagpahayag din ng kalungkutan sa isang Instagram Story ang Kapuso actress na si Marian Rivera, na isa sa 70th Miss Universe judges.
“Rest peacefully, Cheslie,” saad ng aktres na naglakip pa ng larawan nilang dalawa mula sa nakaraang pageant.

Ang Miss Universe Organization ay nakiramay at nagluluksa sa pagkawala ni Cheslie. Anila, “one of the brightest, warmest, and most kind people.”
“We are devastated to learn about the loss of Miss USA 2019 Cheslie Kryst,” saad sa Twitter.
Dagdag pa ng organisasyon, “She was one of the brightest, warmest, and most kind people we have ever had the privilege of knowing. Our entire community mourns her loss, and our thoughts and prayers are with her family right now.”

Ang dating beauty queen ay isang abogado na naging Top 10 finalist sa Miss Universe 2019 kung saan kinatawan niya ang Estados Unidos.
Pagkatapos sumali sa mga pageant, naging New York correspondent siya para sa “Extra” na isang entertainment news program.
Si Cheslie ay naging miyembro rin ng preliminary selection committee member ng Miss Universe 2021.
—
Para sa mga maaaring mangailangan ng suporta at tulong, maaari nilang maabot ang National Center for Mental Health sa pamamagitan ng mga numerong ito:
0917-899-8727
0966-351-4518
0908-639-2672
1553 (24/7 Luzon-wide landline toll-free)