Sinagot na ni Pasig City Vice Mayor Bernardo ang mga pasaring sa kaniya ni Mayor Vico Sotto tungkol sa diumano’y pamumulitika niya sa halip na magtrabaho na lamang.
Kung magugunita, naglabas ng saloobin si Sotto tungkol sa ‘pamumilitika’ umano ni Bernardo at hindi nito pagganap sa sinumpaang tungkulin bilang halal na opisyal.
BASAHIN: Mayor Vico may pasaring sa Vice Mayor: “Bago tayo mamulitika, magtrabaho muna”

Sa isang video message naman na inilabas ni Bernardo, itinanggi nitong nakatanggap siya ng text o tawag mula sa alkalde gaya ng sinabi ng huli, subalit ito ay mapalalampas niya umano.
Ang hindi raw niya matanggap, ayon kay Bernardo, ay ang nais palabasin ni Sotto na wala siyang nagawa at nasa loob lamang ng air-conditioned room.
Ipinaalala rin ng bise ang nagawa ng kaniyang pamilya na dati ring nagsilbi sa lungsod at ang kaniyang pagtakbo bilang vice mayor na walang kalaban. Ito ay dahil umano sa kaniyang magandang serbisyo sa mga Pasigueno.

Imahe mula sa Facebook| Mayor Vico Sotto
“Suwerte ka Mayor Vico, dahil sumikat ka ngayong panahon ng social media. Hindi mo naranasan ang panahon na sinusukat ang eleksiyon sa husay ng paglilingkod. Sa kalye nasusukat ang tunay na serbisyo,” pahaging ng opisyal.
Nakalulungkot lang umano dahil ngayon ay pilit na ginagamit ang internet matabunan lamang ang lahat ng pagkakamali at kakulangan sa serbisyo, ani Bernardo.
“Mayor Vico, parang palabas sa TV, alam mo ang formula para mapansin, sumikat at mapag-usapan,” wika pa nito.
Idinetalye rin ng vice mayor ang diumano’y nagawa ng kaniyang mga ninuno sa lungsod at ang kaniyang naging kontribusyon bilang pinuno ng konseho.

Imahe mula sa Facebook| VM Bernardo
Dapat rin umanong mapansin at pag-usapan ang reklamo at problema ngayon ng mga taga-Pasig gaya ng basura, lubak-lubak na kalsada, sistema ng pagbibigay ng benepisyo sa senior citizens at marami pang iba.
Kinuwestiyon din ng opisyal ang diumano’y mga nagtatrabaho sa Pasig City Hall na hindi naman taga-lungsod pati na ang pagbili raw ng ‘drone’ ni Mayor Vico.
“Nakakalungkot na ang Pasig, naging isang pelikula na lamang. Puro palabas,” pahabol na pasaring ni Bernardo.
Si Bernardo ang makakalaban ni Sotto sa darating na eleksyon kung saan tumatakbo muli ang huli para sa kaniyang pangalawang termino bilang alkalde ng Pasig City.
Panoorin ang buong video ng sagot ni Mayor Iyo Bernardo: