Muling ipinagmalaki ni TV host Bianca Gonzales ang pagiging kayumanggi ng kaniyang kulay na kahit noon pa man ay madalas niyang ipagtanggol sa mga kumukutya sa kaniyang kutis.
Sa Instagram post ni Bianca nitong Miyerkules, nagbahagi ang celebrity host ng kaniyang kaakit-akit na larawan kung saan lutang na lutang ang kulay ng kaniyang balat.

Aniya sa caption, “A #proudmorena noon, ngayon at hanggang pagtanda.”
Kaagad namang umani ng papuri ang post ni Bianca mula sa kaniyang mga followers at kaibigan sa showbiz industry. Sa kasalukuyan, mayroon na itong mahigit 24,000 likes sa Instagram.
Kabilang sa nagpaabot ng positibong komento sina Kim Chiu, Jorge Carino, Tim Yap at mister niyang si JC Intal.
Pinusuan din ito ng kaniyang mga fans na sumang-ayon kay Bianca sa pagiging ‘proud morena’ ng host.
“Wala po yan sa kulay. Kundi sa pagkatao, yung puso if makatao,” ayon sa isang nagkomento.

“Kaganda!!!… pagmasdan ang mala-anghel na mukha na sumasalamin sa busilak at ganda ng ugali,” dagdag naman ng isa pa.
Noon pa man ay ipinagmamalaki na ni Bianca ang pagiging kayumanggi at kilala ito sa pagsusulong ng adbokasiyang ‘self love’.
“Hindi ‘kawawa’ ang morena. Hindi dehado, hindi lugi, hindi pangit ang maitim kumpara sa maputi. Tama na ang harmful messaging na yan, please,” giit noon ng Kapamilya host sa isang podcast.

Hinimok niya rin ang mga Pinay na itigil na ang paniniwalang ang pagiging ‘maitim’ ay nangangahulugan ng pagiging ‘pangit’ kumpara sa mga mapuputi.
Aniya, “All skin tones are beautiful, really.”
Noong 2019, sinita ni Bianca ang advertisement ng isang glutathione brand na humihimok sa mga Pinoy na gamitin ang kanilang produkto upang maramdaman ang privilege ng isang maputi.