Viral ngayon sa social media ang babaeng may alagang manok. Kakaiba ‘di ba? Iisipin mo na ang mga babae ay kadalasang mas nagkakahilig mag-alaga ng mga aso, pusa at ibang hayop.
Sa tuwing nababanggit ang manok ay hindi maiiwasang mag-isip na karibal natin ito sa ating mga ama!
Sa Facebook, ibinahagi ni Marielle Si kung paano niya naging alaga ang isang manok na pinangalanan niyang Chichi at napamahal sa kanilang pamilya sa loob ng mahigit sampung taon.

Ang Kuwento ni Chichi
“Gusto ko lang ipakilala sa buong mundo ang manok ko, si Chichi,” pagpapakilala ni Marielle sa kanyang manok. November 2, 2011 nang i-welcome niya ito sa kanyang buhay.
Sinabi niya na para sa kanya ang manok ay hindi kinakain.“Ang manok ay ginawa ng Diyos para kainin at kung ano man. Siguro ganun kayo, pero ako? Hindi. “
‘Nakilala’ niya umano si Chichi noong 2011 fiesta sa Molino. Nag-aaral pa lamang pala siya nang kanya itong naging alaga.

Parang aso umano na maituturing si Chichi dahil matalino rin ito.
Pagpapatuloy niya sa kanyang kuwento, “Si Chichi ‘yung klase ng manok na sobrang talino, kapag may papasok sa bahay na hindi kilala, tatakutin nya tas tutukain. Para na talaga s’yang aso. Kapag sasapit na ang alas dose para kumain, pupunta s’ya sa kusina.
Bawat kaarawan ni Chichi na dumaraan ay ipinagdiriwang at ipinaghahanda nila na parang tao.
Sa paggala man ay kasama niya ito. Hindi lamang iyon. May picture pa silang magkasama nang nagtapos si Marielle sa kolehiyo noong 2019.

Noong 2021 ay nagkakasakit na rin umano ang kanyang si Chichi. Ngunit dahil walang clinic para sa mga manok ay kanya na lamang daw itong pinatitingnan sa mga nagsasabong.
Ang tagal na rin pala nilang alaga si Chichi kaya talagang napaka-special nito para sa kanila. Sa loob ng 10 taon at apat na buwan ay pamilya na rin ang turing nila dito.
Labis umanong nalungkot ang dalaga nang makita niyang wala nang hininga ang mahal niyang manok.
“Nakita ko yung huling hinga niya. Hindi ko alam gagawin ko. What is a world without my angel? Yung puso ko nadudurog, parang kahapon lang naglalaro tayo at tinutuka mo ko para kumaen na tayo. Chichi.. mamimiss ko ang mga yakap mo, ang amoy mo, ang presensya mo, ang boses mo.. Miss na miss na kita ngayon pa lang.” Sinamahan pa niya ng isang tula ang pamamaalam niya sa kanyang mahal na alaga.
Ang mga alagang hayop kapag napamahal na ito sa atin ay napakahirap bitawan nang basta-basta. Alam na alam ito ng mga nakaranas nang mag-alaga at magmahal ng hayop; mapa aso man, pusa, kuneho, ibon o ano pa man.
Napakaraming naka-relate at na-touch sa kanilang kuwento ni Chichi. Umabot na sa mahigit 31K ang nag-share nito at may 37,000 reactions na. Umabot pa sa Kapuso Network ang kanilang kuwento.
Hugs, Marielle. Ramdam namin ang lungkot mo.
