Jake Zyrus sa kaniyang latest body development: 'Masaya ako at gusto ko lang ipakita sa inyo na eto ako'

Ang singer na si Jake Zyrus ay buong pagmamalaki na ibinahagi ang kanyang latest na larawan para palayain ang kanyang sarili sa insecurities, kung saan dinedicate niya ang kanyang post sa iba pang mga transgender.

Ayon sa kanya, insecure siya sa kanyang katawan kahit na masaya siya sa desisyon niyang mag-transition bilang lalaki.

“Pinag-isipan kong maigi kung ipo-post ko ba ‘to. Kasi lagi kong iniisip kung anong sasabihin ng ibang tao,” aniya.

“Sa ilang taon na nag-transition ako, masaya ako sa naging takbo ng buhay ko, pero lagi pa rin akong nai-insecure sa katawan ko. Siguro dahil na rin sa standard ng karamihan,” dagdag pa niya.

Sinabi ni Zyrus na nag-ipon siya ng lakas ng loob para sa wakas ay ipakita ang resulta ng kanyang pagsusumikap.

“Pero ngayon, palalayain ko na lahat yun. Pagtawanan mo o hindi, hindi mo alam ang sakit, iyak at mga dugo na pinagdaanan ko bago ako nagkaroon ng confidence na buong buo ko i-post ito.”

Sabi ni Zyrus, mas komportable na siya sa katawan niya. Inaasahan din niya na ito ay magbibigay inspirasyon sa iba pang mga transgender na ipagmalaki ang kanilang sarili.

“Masaya ako at gusto ko lang ipakita sa inyo na eto ako. Sa wakas, komportable sa nakikita ko. Hindi ako humihingi ng opinyon.”

“Para ito sa mga kapwa ko transgender. Kung naghahanap kayo ng sign o confidence para ipakita at maging proud sa kung sino ka, tara sasabayan kita. Para sa yo to.”

“Kung hindi ka man handa pa, okay lang din yun. Lahat yan may tamang panahon. Well. This is me guys. Mahal ko kayong lahat.”

Noong Hunyo 2021, nag-open up si Zyrus tungkol sa kanyang nakaraan bilang Charice, pati na rin sa lahat ng sakit na kinailangan niyang tiisin.

Sinabi ni Zyrus na nagpapasalamat pa rin siya kay Charice at sa lahat ng mga naranasan niya.

Post a Comment

Previous Post Next Post