Nakakita ka na ba ng public restroom na mala-salas ang itsura at napakalinis talaga? Alam mo ba na mayroon nito sa Laoag City?
Viral sa social media ang isang mala-salas na public restroom na puno ng halaman, flower decorations, at may lounge area pa! Ito’y matatagpuan sa public market ng Laoag City.
O ‘di ba? Saan ka ba naman makakakita ng ganito kagandang restroom kundi sa public market ng Laoag City.
Hindi mo aakalain na isa pala itong restroom. Mahihiya ka naman talagang iwan ang CR na ito nang marumi.

Maraming tao ang bumibilib dito; hindi lang dahil mabango, maaliwalas at malinis ang palikuran kundi dahil sa sipag at tiyaga ng mga nagme-maintain nito.
Ayon kay Eric Caridad, isa sa mga gumagamit ng restroom, “Naka-maintain ang kalinisan dito. Minsan nahihiya na nga kami mag-CR dito kasi napakalinis.”
“Napakagandang CR at saka disiplinado ‘yung mga taong pumapasok. Mahihiya ka na iwan ‘yung CR na marumi,” ani Emilio, na isa rin sa mga gumagamit ng palikuran.

Ang nasa likod ng kalinisan ng restroom na ito ay mismong mga empleyado ng Laoag City Public Market.
Hindi matatawaran ang kanilang dedikasyon sa pagpapanatili ng kalinisan ng restroom; hindi lang sa restroom kundi sa buong palengke.
Ang hiling lang nila, tulungan sila lagi ng publiko na mapanatiling maganda at kaaya-aya ang pasilidad, lalo’t nakasalalay ang kaayusan at kalinisan nito sa disiplina ng mga gumagamit.

Ayon kay Arceli Agustin, isang empleyado ng Laoag City Public Market, “‘Wow! sabi nila, ‘Maganda, ang bango! Sana ganito ang CR namin sa ganitong lugar!’ Ganyan ang sinasabi nila.”
“‘Yung gusto lang namin, ‘yung kooperasyon ng gumagamit lang dito sa CR po, ‘yun lang po ang sinasabi namin sa inyo para ma-maintain po ‘yung kagandahan at kalinisan,” ani Belinda Mamaclay, isa ring empleyado sa public market.