Moderno na ang panahon at marami-rami na rin ang mga taong pinalad na mahanap ang kanilang right match sa dating app, pero hindi araw-araw ay makatatagpo ka ng isang celebrity na magsa-“swipe right” o magugustuhan ka sa ganitong uri ng platform — katulad na lamang ng nangyari kay Sarina Yamamoto, ang non-showbiz girlfriend ng tinaguriang “hunk actor” na si Carlos Agassi.

Sa isang episode ng Bawal Judgmental sa Eat Bulaga kung saan naging guest si Sarina, ikinuwento niya na sa isang dating app niya nakilala ang kanyang celebrity boyfriend. Kuwento niya, bahagya siyang nabigla noong una kaya tiniyak niya muna na real account ang kanyang naka-interact.
“Akala ko talaga noong una poser ‘yung account niya, so nag-swipe right ako para ma-confirm kung legit talaga ‘yung account niya tapos ayon, legit naman. Lumipat kami sa Instagram and [nakita ko na] verified ‘yong account niya,” ani Sarina.
Pagkalipas daw ng isang linggo na pag-uusap online ay nagdesisyon nang magkita sa personal sina Sarina at Carlos, kung saan sila na-love at first sight sa isa’t isa.
“No’ng nakita ko siya, sabi ko, ‘Wow ang ganda niya.’ Tapos, when we started talking, ang bait niya and then ‘yon parang love at first sight,” pagbabahagi ni Carlos.

Nang maging magkasintahan na sila sa wakas, agad na nilang binura ang kanya-kanya nilang account sa nasabing dating apps at si Sarina na rin ang nagma-manage ng applications sa cellphone ni Carlos.
Samantala, ikinuwento rin ni Carlos kung bakit siya nagdesisyon na gumamit ng dating apps kahit na bihira roon ang mga katulad niyang may celebrity status.
“As a person kasi, ‘di ba ‘yong work natin sa showbiz lagi kang nasa harap ng tao, nasanay ako sa commercials, sa pag-aartista, pagho-host, acting, but ‘yong me talaga na mula grade school hanggang high school loner talaga ako, mahilig ako mag-isa, mahiyain ako, wala akong confidence. Naiilang din ako makipag-date kasi siyempre maraming nakatingin sa’yo , maraming mga mata, so triny ko ‘yong app,” aniya.
