Iginiit ni Robin Padilla na hindi siya naghihirap ngayon at lalong hindi pera ang dahilan kung bakit tumakbo siya sa pulitika.
Sa panayam ni Karen Davila sa Headstart nitong Miyerkules, isa sa mga naitanong kay Robin ay kung totoo daw bang kaya siya tumatakbo ngayon ay dahil apektado ang kaniyang kita sa showbiz.

Noon daw kasi ay nagbitaw ng salita ang aktor na hinding-hindi ito tatakbo sa anumang halalan at hindi siya magiging pulitiko kailanman.
Subalit nilinaw ni Robin na wala naman talaga siyang balak maging pulitiko at sa halip ay mananatiling ‘rebolusyunaryo’ na ipaglalaban ang kapakanan ng karamihan.
BASAHIN: Robin Padilla pumalag sa pumuna sa kaniyang plataporma
Sa isyu naman ng salapi, iginiit din ng tinaguriang ‘Bad Boy of Philippine Movies’ na walang pera sa pulitika, at wala rin siyang planong kumita kahit pa manalong senador.

“Wala po akong bahid ng pagnanakaw ng kahit ano… at hindi rin po ako naghihirap. Maayos naman po ang aking buhay,” sagot ni Robin.
Iba rin umano ang ‘stature’ niya bilang aktor.
“Hindi naman po ako nagyayabang, iba naman ang stature ko. Ako naman po kahit saan ako pumuntang network, tatanggapin po ako ng kahit anong network, at bibigyan po ako ng trabaho,” wika nito.
“At sa presyong gusto ko. Hanggang ngayon ganyan pa rin ang nangyayari, ako’y hindi nawawalan ng trabaho,” dagdag pa ng aktor.

Sa katunayan daw, siya pa ang inaalok ng mga proyekto hanggang sa ngayon.
Giit pa ni Bad Boy, ang tanging dahilan kung bakit siya tumakbo ay upang magkaroon ng pagbabago sa bansa at para isulong ang pederalismo.
Si Robin ay tumatakbo bilang senador sa ilalim ng PDP-Laban.
BASAHIN: Robin Padilla pasok sa “Magic 12” sa senatorial survey
Panoorin ang panayam sa kaniya ni Karen Davila (simula 13:38):