Nadagdagan na naman ang mga nagpapasaya at nagpapamangha sa mga bumibisita sa Manila Zoo matapos dumating kamakailan mula sa Clark Zoo ang white Siberian Tiger na si Kois.

Sa Facebook page ng Manila Public Information Office, ibinahagi ang tungkol sa pagdating ni Kois na donasyon umano ni Romy Siccion ng Clark Zoo para sa Manila Zoo. Isa si Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa mga unang nakakita sa nasabing tigre at nagkaroon ng pagkakataon para alagaan ito.
Sa social media, kanya-kanyang pahayag naman ng galak ang mga nakakita, lalo na ang mga Manilenyo na napakalapit lamang sa nasabing Zoo.
“Halatang super alaga at spoiled ang babyng iyan. Sana ganyan pa rin siya kasaya at maaalagaan nang mabuti sa Manila Zoo. Siberian Tiger po iyan, sanay sa lamig,” ani G. Tan.

“Wow! Ang cute naman, nakaka-excite,” ani O. Richyhen.
“Hi, Kois. We hope to see you in the near future,” sabi ni T. Belardo.
Hiling naman ni S. S. Torres, “Sana maalagaan nang maigi si Kois sa Manila Zoo. So cute pa naman niya at mukhang masayahing tiger pa.”
May mga magulang din na nagsabi na hindi na sila makapaghintay na madala ang kanilang mga anak sa Manila Zoo at nang makita na nila sa personal si Kois. Nakatutuwa rin daw na mukhang maamo at mabait ito.

Samantala, hindi rin naman naiwasan ang mga hindi pagsang-ayon sa pagdadala ng tigreng si Kois sa Manila Zoo. Anila, hindi raw dapat ikinukulong ang mga wild animal katulad ng tigre at bagkus ay hinahayaang makalaya sa tunay nilang tahanan.
Ikaw, isa ka ba sa mga excited na makita si Kois o kabilang ka ba sa mga naghahangad na ibalik na lamang siya kung saan talaga siya nararapat? Ibahagi ang iyong opinion!