Masaya ang kaarawan ng host-comedian na si Vice Ganda, lalo na nang magbigay ng mensahe ang kanyang partner na si Ion Perez sa kanyang 46th birthday noong Marso 31, sa kanilang noontime show na ‘It’s Showtime’.
Hindi lamang partner in life kundi isang matalik na kaibigan ang turing ni Ion kay Vice.
“Araw-araw naman niyang naririnig [mula] sa akin ito kasi sa tuwing magdarasal kami, lagi kong ipinagdarasal talaga na bigyan pa kami ng mahabang panahon para magsama,” pahayag ni Ion.

“At siguro, ang masasabi ko sa ‘yo, babe, paulit-ulit kitang pipiliin. Kahit sa kabilang-buhay, baka ikaw ‘yung piliin ko pa rin. Ang maipapangako ko lang, ‘yung buong pusong pagmamahal ko sa ‘yo at tapat.”
“Yun lang, babe.Thank you, babe, I love you,” matamis na mensahe ng aktor.
Bukod kay Ion, binati rin si Vice ng kanyang showime family pati na rin ng kanyang mga tagahanga.

Sa IG stories ng Unkabogable Star ay ibinahagi niya ang kanyang natanggap na mga ballons at surpresa mula sa iba’t ibang tao para sa kaniyang kaarawan.
Basahin: Ang Rebelasyon: Vice Ganda, Ion Perez nagpakasal sa Las Vegas
Matatandaang bago ang pagdiriwang ng Araw ng mga Puso ay may rebelasyong inilabas si Vice.
Ang comedy-superstar at ang kanyang kasintahang si Ion ay ikinasal na pala sa Las Vegas noong Oktubre 19, 2021.
Ang rebelasyon ay inilabas nila sa pamamagitan ng isang video na in-upload sa kanyang YouTube channel, kung saan ipinakita niya ang mga snippet ng kanilang paglalakbay sa Las Vegas noong nakaraang taon.

Ikinasal ang dalawa sa Little Vegas Chapel kung saan legal ang pagpapakasal para sa mga miyembro ng LGBTQIA+ community sa Estados Unidos.
Masayang ipinagmalaki at ibinida ni Vice ang kanilang Certificate sa kanyang vlog.
Ipinagdiwang ng mag-asawa ang kanilang ikatlong anibersaryo noong Oktubre 25.
“3 years of not giving a fuck about other people’s thoughts and judgments. 3 years of just being unapologetically in love and happy. I love you Noy! And I love winning in life with you!” nakasaad sa caption ng post ng komedyante sa IG.