Mayor Vico itinangging gaganapin ang campaign rally ni VP Leni sa Pasig City quadrangle

Wala umanong katotohanan ang kumalat na balitang gaganapin ang campaign rally ni VP Leni Robredo sa loob ng premises ng Pasig City Hall. Ito ay ayon mismo kay Mayor Vico Sotto.

Ginawa ng alkalde ang nasabing paglilinaw matapos mag-viral ang campaign posters ng team nina Robredo at Senador Kiko Pangilinan kung saan nasasaad na dito umano idaraos ang kanilang ‘Payanig sa Pasig’ rally sa Marso 20 sa loob ng Pasig City Hall Quadrangle dakong alas-5 nang hapon.

“Not true. Pasig City Hall premises, including quadrangle, are NOT open for any political rally,” ani Mayor Vico sa isang tweet nitong Linggo.

“Kahit mayor ang mag-apply, ‘di bibigyan ng permit,” wika pa ng alkalde.

Inabisuhan na umano nila ang lahat ng campaign organizers na gawin ang kanilang mga rally sa mga plazas o kalsada.

“We told those applying for a permit, try the plazas/open streets. They are the biggest spaces available, and open to all candidates,” lahad ni Mayor Vico.

Kinumpirma dati ng alkalde sa nakaraang flag ceremony noong Pebrero 28 na mayroon ngang ‘pending permit’ ang kampo ni Robredo para magdaos ng rally sa lungsod.

Hindi lang raw sigurado pa kung saang plaza ito gaganapin.

Kaugnay nito, nilinaw rin ng Office of the Vice President (OVP) sa ABS-CBN News na wala pa silang inaanunsyong pinal na lugar na pagdarausan ng kanilang campaign rally sa Pasig City.

“There was no ‘initial campaign material’ that specified a venue — to my knowledge, it was clearly stated that the venue was ‘TBA (to be announced),'” ayon sa text message ni OVP Spokesperson Barry Gutierrez.

Sa kasalukuyan, patuloy pa raw na nakikipag-ugnayan ang kanilang mga volunteers at organizers sa LGU ng Pasig para isapinal ang venue.

 

Post a Comment

Previous Post Next Post