Ang online seller na si Jerelyn Elquiro Esteves ay labis na nabigla at naiyak sa galak nang malamang nakapasa siya sa LET (Licensure Exam for Teachers) nitong 2022.
Halos hindi makapaniwala ang seller sa kanyang nalaman na nakapasa siya sa board exam dahil hindi raw siya nakapag-review nang maayos dahil abala ito sa pag-oonline selling.
Sa kanyang Facebook live ay may nagkomento at binati ito ng “congratulations” ng isang viewer. Tinanong pa niya kung congrats saan. “Saan ano? Saan ano, mare?”
Sa una ay hindi ito makapaniwala hanggang sa sinabi nang ‘Legit mare’ at napaiyak na lamang ito sa surpresang natanggap.

Hiningan pa niya ng screenshot ang buyer na unang nag-congratulate sa kaniya bilang patunay sa sinasabi nitong pumasa niya. Doon umano niya nakita ang kaniyang pangalan sa hanay ng mga pumasa.
“Oy, Diyos ko kinakabahan ako, wag n’yo ‘ko paiyakin. Ba, tingnan mo nga. Diyos ko wag ako, mga mare,” ani Jerelyn sa live pagkat baka ginu-good time lamang siya.
Sinabi din niya na hindi raw ito ang unang beses na kumuha ng LET. Taong 2019, kung kailan siya ay nakapag-review nang husto, ay hindi siya pinalad na makapasa.

“2019 first take ko, kung sa pag-aaral lang sobrang puno na utak ko kare-review. Magastos at nakakapagod mag-aral dahil palipat-lipat kami ng place para lang maka-review, minsan inuutang ko pa ‘yung pamasahe ko pero bumagsak ako,” makikita sa caption ng kanyang viral video.
Maraming pagsubok at sakripisyo umano ang kanyang napagdaanan bago niya nakamit ang pagiging isang guro.

Sa kanyang sipag at tiyaga ay nakapagtapos siya ng Bachelor in Elementary Education sa Liceo de Masbate.
Sobra sobra ang kanyang pasasalamat sa kanyang mga magulang, asawa at lalong lalo na sa kanyang mga viewers dahil sa walang sawang suporta na natatanggap niya.
Para kay Jerelyn, kapag para talaga sa’yo ay ibibigay talaga ni Lord sa tamang panahon.
Ang mga netizens ay humanga at natutuwa sa determinasyon ng live seller sa pag-aaral kaya’t para sa kanila, deserve na deserve ni Jerelyn ang matamis na tagumpay.
Makisaya sa kanya sa videong ibinahagi niya sa Facebook.