Usap-usapan sa social media ang litrato nina Sarah Geronimo at Nica del Rosario, kung saan sumama ang Popstar royalty sa mga artistang magtatanghal para sa Leni-Kiko tandem, sa magaganap na campaign rally nito sa Pasig City sa darating na Marso 20, 2022.
Isa pa sa mga hula ng mga netizen ay baka kakampink si Sarah dahil sa mga kumakalat na litrato nila ni Nica, ang composer ng hit song niyang ‘Tala,’ na siya ring lumikha ng campaign song na ‘Kay Leni Tayo’ at ‘Rosas’.

Wala pang opisyal na pahayag ang kampo ni Sarah Geronimo hinggil sa bagay na ito. Wala ring napapabalita o sinasabi ang singer kung sino ang kandidatong susuportahan niya, maging ng kaniyang mister na si Matteo.
Hindi pa rin kumpirmado kung kakanta nga ba siya sa campaign rally ng Leni-Kiko tandem sa Pasig.
May paglilinaw naman ang composer na si Nica na isa lamang ang larawang ito sa mga lumang larawan n’ya at kuha iyon bago pa man n’ya na-compose ang mga awitin para kay VP Leni.

“Grabi kayooo di ko pa nasusulat ‘yung Rosas nung panahon na to hahaha para sa kanya po tong nirecord niya dito huehue ,” aniya sa kaniyang tweet.
“Basta pupunta ako sa Linggo dun lang ako sure hahahaha kitakits tayo doon,” dagdag pa niya.
Ang kanyang kanta na ‘Kay Leni Tayo’ ay ginamit din sa mga viral videos at social media materials na nangangampanya para sa nag-iisang babaeng presidential aspirant.

Inihayag rin niya na free to use ang kantang ito basta hindi para sa commercial purposes.
“Ang dami naming natatanggap na messages na humihingi ng permiso na gamitin ang KLT at Rosas para sa kanilang mga videos. Iba talaga ang ehemplo ni Ma’am dahil di nila ginagamit basta-basta. FREE TO USE po sila parehas basta’t di po for commercial purposes.”
Samantala, Marso 17 nang nag-campaign rally ang Leni-Kiko tandem sa lugar ng Zamboanga City at makikitang maraming tao ang dumalo sa naganap na rally.