Ang 36-year-old na si Mong Vicente ay nagsimulang magbenta ng coffee sa kalagitnaan ng pandemic sa pamamagitan lamang ng kaniyang bisikleta.
“Bike lang ang meron ako. Wala naman akong sasakyan dati. So ‘yun, naisip ko na ilagay ‘yung coffee sa mismong bike. Wala kasi akong nakikitang ibang nagtitinda dati nang naka-bike. So it’s either naka-kotse sila, may cart sila o puwesto,’yung mga pop-up dati, or naka-motor,” aniya.
Nagsimulang magbenta si Mong ng mga bottled cold brew na kape online noong nagtatrabaho pa siya bilang isang IT specialist noong 2019.

Ang kanyang pagnanais na umalis sa mundo ng korporasyon ay nagtulak sa kanya upang sa wakas ay magtayo ng kanyang sariling negosyo, na may humigit-kumulang na P3,000 bilang kapital.
Noong Enero 2021, nagsimula siyang magpatakbo ng kanyang mobile cafe na “Cityboy Brew” sa kahabaan ng Marcos Highway. Pagkatapos ay nakahanap siya ng regular na lugar sa Marikina Riverbanks.
“First two weeks, isa o dalawang baso lang ‘yung natinda ko, kasi bago sa tao eh ‘yung coffee na nasa bike. Most especially brewed coffee pa siya.”

Sa kabila ng mahirap na simula, hindi nagpatinag si Mong. Tunay na desidido.
Sa loob ng anim na buwan, patuloy niyang binabaybay ang 40 minutong bike time mula sa kanyang tirahan sa Pasig hanggang sa Marikina para magtinda ng kape mula 4AM hanggang 8AM at 5PM hanggang 9PM.
Nang magdagdag siya ng iced coffee sa kanyang nakagawiang menu ng mainit na brewed drinks, mabilis na tumaas ang kanilang benta.
Nag-aalok ang Cityboy Brew ng iba’t ibang mainit at malamig na inumin, mula P50 hanggang P135. Patok din sa social media ang kakaibang konsepto ng “coffee on wheels”.

Naging daan din ito para mapalawak ni Mong ang kanyang negosyo nang magsimulang makipag-ugnayan sa kanya ang mga tao para sa isang prangkisa.
Sa kasalukuyan, mayroong 12 sangay ang Cityboy Brew sa Metro Mamila, CALABARZON, at lalawigan ng Isabela.
Mula sa dalawang tasa lamang ng kape, humigit-kumulang ay 8,000 hanggang 10,000 tasa bawat linggo ang inihahain ni Mong na may kita na mula P200,000 kada araw sa lahat ng sangay.
Isiniwalat din ni Mong na mayroon pa siyang additional na tatlong branches soon.
Panoorin ang kuwento ng Cityboy Brew sa isang PhilStar video feature via Facebook: