Mayor Isko Moreno, nagpatupad ng 'Batas Pambansa 880' o 'The Public Assembly Act'

Pirmado na ang isang memorandum na nagbabalik ng pagkuha ng permit para sa mga nagnanais magsagawa ng rally sa lungsod ng Maynila.

Sa isang memorandum, ipinag-utos ni Mayor Isko Moreno noong Mayo 11 sa mga punong barangay at police commander na tiyaking “strictly enforced” ang batas sa lungsod. Dapat aniya ay kumuha muna ng permit sa lokal na pamahalaan ang mga nagpaplanong magsagawa ng pampublikong pagtitipon sa Maynila.

Nilagdaan na niya ang memo na nag-aatas sa Manila Police District (MPD), na pinamumunuan ni Brig. Gen. Leo Francisco, mga station commanders, mga punong barangay, at kay Bureau of Permits officer-in-charge Levi Facundo, hinggil sa mahigpit na pagpapatupad ng “Batas Pambansa 880” o “The Public Assembly Act.”

“Pinirmahan po natin ngayong araw ang isang memorandum na nagbabalik ng pagkuha ng permit para sa mga nagnanais magsagawa ng rally sa ating lungsod. Kung inyo pong matatandaan noong panahon ng kampanya, binuksan po natin ang Maynila para sa lahat ng kandidatong gustong mangampanya at magsagawa ng rally sa ating lungsod, at hindi na nila kailangan pang kumuha ng permit sa City Hall,” pagbabahagi ni Mayor Isko.

Ang memorandum ay inilabas matapos lumahok sa rally sa labas ng COMELEC ang daan-daang tao, karamihan ay mga aktibista at miyembro ng mga grupo ng kabataan, para kwestyunin ang resulta ng katatapos lang na halalan at para iprotesta ang napipintong tagumpay ni presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

“Tapos na ang kampanya, tapos na ang halalan, nagdesisyon na ang tao. Now, we have to put things in right order. For the purposes of moving on at kayo ay maibalik na sa normal, ‘yung normal na pamumuhay, kailangan na pong ilagay natin sa tamang perspektibo ang mga bagay bagay,” saad niya.

“My job is to keep you safe. My job is to give you opportunity. Ang trabaho ko ay mabigyan kayo ng maaliwalas, matiwasay, at panatag na pamumuhay sa lungsod ng Maynila. Ito po ay aking gagampanan hanggang sa huling araw ko bilang alkalde ng lungsod,” dagdag pa niya.

Post a Comment

Previous Post Next Post