Pagbabalik-bukid: Kiko Pangilinan madaming tututukan, aasikasuhin sa kanyang farm

Matapos ang Halalan 2022 ay balik bukid na naman si Senator Kiko Pangilinan kung saan sa kanyang Facebook post noong Mayo 29 ay ibinahagi niya ang unang pakikipagpulong sa kanyang mga staff.

Aniya, marami siyang hindi natutukan at naasikaso sa farm dahil sa naging abala siya noong halalan.

Ang ‘Sweet Spring Country Farm‘ ng senador ay matatagpuan sa malamig na kabundukan ng Alfonso, Cavite kung saan ay masisilayan ang magandang tanawin ng Mt. Batulao. 15 minutong biyahe lamang ito mula sa Lungsod ng Tagaytay.

“Exciting ang ating pagbabalik-bukid. Matagal tayong nawala. Ang dami nating kailangan ayusin. Pero dahil importante ang pagkain, importante ang agrikultura, babalik nang babalik tayo sa bukid para ituloy ang pagsasaka.” aniya.

“Anuman ang mangyayari o nangyari sa bawat isa sa atin, kakailanganin pa rin ang pagkain araw araw ng mga kababayan natin kaya patuloy ang pagsasaka, pagtatanim, at pag-aani ng gulay, prutas, at iba’t ibang tanim. Balik bukid. Balik saka,” dagdag pa niya.

Makikita naman sa kanyang bukirin ang iba’t ibang mga punla tulad ng okra, parsley, kamatis, siling haba (pang-sinigang) at iba pa.

“Kailangan nating bumalik ng pagsasaka dahil sabi nga nila, ang pinakamainam na pataba ay ‘yung yapak ng may-ari. The best fertilizer is the footprint of the owner.”

Aniya ay dapat paghandaan ang mga nakaambang krisis sa pagkain at pagkagutom. Dahil na rin ito sa pagpapatigil ng ilang bansa sa pag-e-export ng iba’t ibang uri ng grain shipments.

“Hamon sa susunod na administrasyon na bigyang solusyon ang malawakang gutom at ang pagsirit ng presyo ng pagkain. Dapat paghandaan ang nakaambang krisis sa pagkain at gutom. Sa inilabas na report ng UN Food and Agriculture Organization (FAO) noong Marso, itinigil na muna ng dalawang bansa ang pag-e-export ng iba’t ibang uri ng grain shipments tulad ng wheat at corn.”

“Ramdam na ng ibang bansa ang epekto ng pagtigil ng exportasyon na ito at hindi magtatagal ay mararamdaman na rin ito dito sa Pilipinas. Kapag nagkataon, kawawa na naman ang mga ordinaryong Pilipino. Siguradong gutom ang aabutin natin.”

Post a Comment

Previous Post Next Post