Michael V sa muling 'pagdalaw' ng COVID-19: 'Inabala na naman 'yong pamilya ko, 'yong trabaho ko'

Bagama’t idinaan sa biro ay mararamdaman mo ang lalim ng hugot ng Kapuso actor na si Michael V sa muli na namang “pagdalaw” sa kanya ng COVID-19.

Sa Instagram, ibinahagi ni Michael V kamakailan na nagkaroon pala ng panibagong hamon sa kanya ang COVID-19, na minsan na niyang nagapi dalawang taon pabalik.

“ROUND 2…FIGHT!” saad niya sa recent post. “Nakatanggap ako ng notification from my old friend, COVID. Matagal na kaming hindi nagkikita. Actually, sinabihan ko na s’ya na ‘wag nang bumalik pero ‘eto na naman s’ya, magha-‘hi’ lang daw at magpapaalala na nandito lang s’ya sa tabi-tabi. Hindi naman daw talaga s’ya umalis, palipat-lipat lang s’ya ng bahay.”

michael v covid-19

“Well,” pagpapatuloy ng komedyante. “S’yempre inabala n’ya na naman ‘yung pamilya ko, ‘yung community namin, ‘yung trabaho ko…pati asawa ko dinamay pa!”

Sa kabila nito, aminado rin naman si Michael V na mayroon ding pagkukulang ang mga taong ayaw makinig at hindi sineseryoso ang COVID-19 pandemic.

“Pero hindi ko naman s’ya masisi! Kasi hindi rin naman s’ya nagkulang ng paalala. Talagang matitigas lang ang ulo ng mga tao minsan,” aniya.

Samantala, ang mensahe naman ni Michael V sa COVID-19, “Hindi ka pa rin welcome sa bahay, pero salamat na rin sa dalaw. Hayaan mo, kahit badtrip ako sa ‘yo, hinding-hindi kita makalilimutan.”

Tinapos niya ang post sa pagpapaalala sa lahat na mag-ingat sa panahong ito ng pandemya.

michael v covid-19

Noong 2020 unang nagpositibo si Michael V sa COVID-19. Ibinahagi niya sa kanyang blog ang tungkol sa nasabing resulta at pinayuhan ang lahat na mas mag-ingat pa nang hindi maging positibo kagaya niya.

“I posted this para sa kapakanan ng lahat, malayo man o malapit sa akin. Hindi biro ang COVID. Kahit feeling mo e nakahanda ka na, susugurin kang bigla ‘pag nalingat ka,” wika ng komedyante.

michael v covid-19

“Be responsible. Ipaalam sa kinauukulan ang kalagayan para maiwasan ang pagkalat ng virus. Maging malinis, maintain social distancing and always wear your PPE. Ang buhay, puno ng punchline. Pero hindi lahat ng punchline e nakakatawa,” saad pa nito.

Post a Comment

Previous Post Next Post