Ang dating MasterChef contestant na si Pebbles Cunanan ay nagkomento sa naging pahayag ng aktres na si Judy Ann Santos-Agoncillo kaugnay sa kung bakit wala na itong in-upload na bagong vlog sa kanyang online cooking Show.
Hindi napigilan ng social influencer ang saili na mag-react sabay post sa kanyang FB account ng mensahe para kay Juday. Aniya, “Diskarte ghorl… mag-isip ka ng mga puwede mong ipalit na ingredients juicemio… palibhasa sa mamahaling culinary school nag-aral eh…”

Ayon pa kay Pebbles, huwag daw magbase sa natutunan nito sa culinary school at puwede naman daw maging madiskarte pagdating sa mga recipe.
“Juday wag lang mag-base sa mga natutuhan sa culinary school. Ang pagtaas ng mga bilihin normal ‘yan, ang hindi normal yung CHEF ka tapos hindi mo alam dumiskarte ng mga puwede mong gamiting ingredients sa pagluluto.”
“Paano kung mumurahing ingredients ang gagamitin mo, mapapasarap mo kaya yung lugaw ni Leni…chozzzzz… Tabehhhhh…turuan kita… bet mo… aaay magaling ako magluto nohhhh…” bulalas ng dating MasterChef sa kanyang post na nag-trending agad. Bumuhos umano ang mensahe sa kanyang inbox.

Hindi umano nagustuhan ng ilang netizens ang ‘patutsada’ ni Pebbles kay Juday, lalo pa’t isinali pa daw nito ang “lugaw ni Leni”.
Sinagot naman niya ang mga nag-react sa kanyang ‘mensahe’ para kay Juday sa ilang post din.
“May mali ba sa post ko? Inulit-ulit kong basahin wala naman….bala na kayo jernnnnn…..
Thank you sa mga kakampink na nag-share ng post ko ha, salamat sa radikal na pagmamahal (emoji) oh ayan nakonek ko na naman ha (emoji) abeeeeh….pahinga muna ako.”
MasterChef Pinoy Edition
Ang MasterChef Pinoy Edition ay ang Philippine version ng British reality competitive cooking series, MasterChef. Unang ipinalabas ang show sa ABS-CBN noong Nobyembre 12, 2012.
Sa show ay naging host si Juday. Nakasama rin sina Chefs Fernando Aracama, Rolando Laudico at JP Anglo bilang mga hurado ng programa.
Samantala, wala pang sagot o pahayag si Juday hinggil sa post ni Pebbles.
Basahin: Judy Ann Santos explains why she stopped cooking vlogs
Kilala si Judy Ann hindi lang sa galing sa pag-arte, kundi sa husay niya sa kusina.

Sa kanyang guesting sa Magandang Buhay kamakailan, tinanong ng host na si Melai Cantiveros si Judy Ann kung bakit ilang buwan na ang nakalipas mula noong huli siyang nag-upload ng video sa Judy Ann’s Kitchen, na mayroon na ngayong 1.69 million subscribers.
“Hindi naman sobrang busy. Ang hirap kasing mag-isip ng mga episodes especially kung ang pagtaas ng presyo ng bilihin ay napakalala. Ayokong hindi maka-relate ‘yung viewers sa kung anumang lutuin ang gagawin ko kasi parang napaka-unfair naman. So tuma-timing lang din naman ako,” saad ni Juday.
“Ayoko lang na parang masabihan ako na, ‘luto ka nang luto, ‘di naman namin magagawa ‘yan.’ Hindi naman ako pumapatol pero after lang ako roon sa reality ba. Eventually, gagawa ako,” dagdag pa niya.
