Arnold Clavio nagbigay-pugay sa namaalam na puppeteer ni Arn-Arn na si Danilo Federez

Nagbigay-pugay si Arnold Clavio sa puppeteer na si Danilo “Totong” Federez, ang tao sa likod ng puppet na sidekick ni Clavio na si Arn-arn, na sumakabilang-buhay noong Agosto 17.

“When I heard the sad news ng pagyao ni Danilo Federez, o ‘Totong’ sa kanyang mga kaibigan, noong Miyerkules ng umaga, parang may part of me na nawala,” saad ng broadcaster sa Instagram nito.

Nagpost ng video clip si Clavio sa publiko ng ilang sandali na nakasama niya si Federez, at inilarawan niya ito bilang propesyonal at “soul” ni Arn-arn. Naalala rin niya kung paano inalagaan ni Federez si Arn-arn nang may paggalang sa puppet.

“Si Totong ang kaluluwa ni Arn-arn. Ang kanyang kanang braso ang nagpapagalaw sa kanyang bibig sa tuwing magsasalita,” anito. “Hindi biro ang trabaho ni Totong bilang puppeteer. Ilang oras din siyang nakaluhod pero walang reklamo.”

Pagkatapos ay ikinuwento ni Clavio ang kanyang pagbisita sa tahanan ni Federez noong 2019, nang matagal silang magkahiwalay dahil sa mga isyu sa kalusugan ng huli.

Napansin niya na noong panahong iyon, ang mga galaw at kalusugan ni Federez ay nagbago nang malaki, ngunit sinubukan ng puppeteer na kumbinsihin si Clavio na payagan siyang bumalik sa trabaho.

“Sabi ko, oras na bigyan siya ng clearance ng doktor niya, agad-agad ay makakababalik siya. Pero alam kong malabo nang mangyari ‘yun. At that time, nakita ko na ang blangkong pagtingin sa mga mata niya at naramdaman ko rin ang labis niyang pagkalungkot,” wika ni Clavio.

“Paalam Totong. Nasa mabuti ka nang kalagayan sa piling ng ating Amang lumikha. Isang maligayang paglalakbay,” aniya sa namaalam na puppetteer.

Bukod kay Clavio, ang kapwa broadcaster na si Connie Sison at aktor na si Jason Abalos ay kabilang sa mga nagpaabot ng kanilang pakikiramay sa pamilya ni Federez.

Namaalam si Federez sa kanyang pagtulog, tulad ng isiniwalat ng kanyang pamilya at ni Clavio. Si Arn-arn ang nagsilbing sidekick ni Clavio sa morning show ng GMA Network na “Unang Hirit,” at ginawa siyang parang broadcaster.

 

View this post on Instagram

 

A post shared by AkosiiGan😎 (@akosiigan)

Post a Comment

Previous Post Next Post