‘Education has no borders!’ — Ito ang pinaniniwalaan ng 47-anyos na aktres at mang-aawit na si Carla Elago Ford, na mas kilala bilang si Karla Estrada.
Masayang ibinahagi ng dating host ng “Magandang Buhay” na si Momshie Karla Estrada ang pagbabalik-eskuwela niya, ayon sa isa niyang Instagram post nitong Setyembre 21, 2022.
Sa ilang larawan na malugod niyang ibinahagi ay mababanaag ang kanyang kasiyahan sa bagong landas niyang tinatahak.

“And the Journey begins. (emojis),” saad sa caption ni Karla, na sinundan ng pabirong “Where’s the canteeeeen????”
Sinamahan pa niya ito ng hashtags kaugnay sa kanyang pagbabalik-aral. “#backtoschool@40ish”, “#educationhasnoborders”, at “#restartourdream”.
Ipinakita rin niya ang kaniyang school ID na may mababasang Philippine Christian University kung saan nag-enrol ang butihing ina ni Daniel Padilla o DJ. Ipinasilip din niya ang ilang bahagi ng pamantasan sa kanyang IG post.

Matatandaan na sa nasabing unibersidad din nagtapos ng kanilang Master’s degree program ang ilan sa mga kilalang celebrity tulad nina Ronnie Liang at dating senador na si Manny Pacquiao.
Bumuhos naman ang pagbati sa kanya mula sa celebrity friends at IG followers.
Mula kay @eriksantos – “All the best Ate.”
Si @iamkarendavila naman ay nagpaabot ng “Awwww congrats dear!” <3

Bukod kina Erik Santos at Karen Davila ay bumati rin sina Marjorie Barretto, Jackie Foster, DJ Chacha, KaladKaren Davila, at iba pa.
Wala namang nabanggit si Karla kaugnay sa kung anong kurso ang kukunin niya. Basta’t ang tiyak ay patungo ito sa kanyang paglago bilang isang mamamayan.
Basahin: Karla Estrada pens appreciation for co-hosts as she leaves ‘Magandang Buhay’
“Mamimiss ko ang mga masasaya at madramang samahan na walang katulad at tanging tayong tatlo lang ang nakakaalam!” saad ni Karla sa kanyang Instagram post noong Hulyo.
“Pero gaya ng after graduation ng high school ay naiba ako ng kurso sa college kaya mahihiwalay ako ng lugar, oras at panahon. Ngunit ang pagkakaibigan na ilang beses sinubok ng panahon ay hindi kailanman makakalimutan.”
Idinagdag pa ni Karla na babaunin nito ang masaya nilang pinagsamahan sa programa.
“Babaunin ko sa aking puso ang masasaya nating samahan at matututo sa lungkot na hamon ng pagkakaibigan,” aniya.