Naging emosyonal ang isang batang lalaki matapos siyang sunduin ng kanyang OFW dad (overseas Filipino worker) mula sa paaralan para surpresahin ito.
Nag-viral ang short clip, kung saan ibinahagi ng maraming netizens na nakaka-relate din sila sa bata sa muling pagkikita nila ng kanyang ama.
Hindi mabilang na mga OFW ang gumugugol ng maraming taon na malayo sa kanilang pamilya, kaya naman hindi na nila nagagampanan ang mahahalagang okasyon sa buhay ng kanilang mga anak.

Nakalulungkot man ngunit pinili nilang magtrabaho sa ibang bansa upang mabigyan ng mas magandang buhay ang kanilang pamilya.
Kamakailan ay nag-viral ang isang TikTok video na ipinost ng user na si @geney_05. Ipinapakita nito ang isang batang lalaki na nakasuot ng uniporme ng paaralan na sinundo ng kanyang tiyahin at pinapasok sa isang SUV.
Ngunit nang pumasok ang bata sa sasakyan, umiyak siya nang makita na ang driver ay ang kanyang ama.
Sobrang saya ng nabiglang bata nang makita ang kanyang Daddy.
“Daddy!?” Hindi niya napigilan ang kanyang emosyon habang patuloy siyang nakatingin sa kanyang ama. Marahil ay sinisigurado na ito talaga ang kanyang ama na sumundo sa kanya sa paaralan.
“‘Yung tito niya po kasi ang nag hatid sa school nia tapos tatay nia na po ang nag sundo sa kanya kaya nagulat sya. OFW po tatay at nanay niya 7 years din silang LDR, ngayon lang nagkasama na for good na talaga,” ayon sa caption ng uploader.
Nakilala ang bata na si Lucas Tejada Tapang. Hindi lang pala ang tatay niya ang nagtatrabaho sa ibang bansa, sa Middle East, kundi doon din nagtatrabaho ang nanay niya.
Ayon sa ‘Pilipino Star Ngayon Digital’, ipinaliwanag ni Vanessa Tejada, ina ng bata, na nagtatrabaho sila ng kanyang asawa bilang nurse sa isang ospital ng militar sa Saudi.
“Husband ko at ako ay nurse sa isang military hospital po, nasa boundary kami ng Yemen at Saudi. Nag wo-work po kami doon para maka-sustain sa everyday needs namin,” aniya.
Sa latest video ng uploader ay ibinahagi din niya ang pag-uwi ng ina ng bata sa Pilipinas.
May mas sasaya pa ba sa nararamdaman ng mga bata kapag muli nang nakapiling ang kanilang mga magulang?
Panoorin:


