Matapos ang isang buwang hindi pagkikita ay muling nakadalaw ang mga anak ni Andrew Schimmer sa kanilang Mommy na si Jho Rovero na kasalukuyan pang nagpapagaling.
“First time kasi matagal nilang hindi nadalaw si Mommy nila gawa ng nagkaroon ng infection si Mommy nila so after almost a month or I think isang buwan na, ngayon lang ulit nila nakita si Mommy nila kaya excited na excited sila,” ani Andrew sa isang YouTube video.

Makikita sa video na tila hindi nauubos ang mga kuwento ng kanilang bunsong anak para sa kaniyang Mommy. Hinihimok din ni Andrew ang mga anak na sulitin ang oras na nakadalaw sila sa kanilang Mommy at sabihin dito lahat ng mga gusto nilang sabihin.
Kamakailan lamang ay ibinahagi ni Andrew na unti-unti nang bumubuti ang kalagayan ni Jho. Stable na raw ito at maganda rin ang lagay ng kaniyang digestive system. Maayos rin daw ang blood pressure nito.
[RELATED: Andrew Schimmer masayang ibinahagi ang bumubuting kalagayan ng misis]

“Nakakatuwa lang, guys, kasi she’s very very strong and she’s really fighting. Maganda ‘yung improvements na pinapakita niya every day so ‘wag lang nating bibiglain, ‘wag nating mamadaliin. Little by little, step by step,” aniya.
Positibo rin si Andrew na darating ang araw na si Jho na mismo ang magbibigay ng update sa mga netizen na patuloy na nagdasal at nagbigay ng suporta sa kanila.

“Everything is hard before it becomes easy again. It’s okay. It doesn’t matter. I will push through, we will push through. Promise ko sa inyo ‘yan. I will never stop. Hanggang sa makita nyong okay na okay na siya. Hanggang sa makita nyong siya na mismo yung nag-uupdate sa inyo, hindi na ako,” sabi pa ni Andrew.
Bago ito ay humingi ng paumanhin si Andrew sa mga hindi natuwa sa pagiging emosyonal niya nang ibahagi niya noon na hindi maganda ang kalagayan ng kaniyang asawa.
“‘Pag mahal n’yo ‘yung taong lumalaban, ‘pag meron kayong mahal sa buhay na ipinaglalaban ang buhay niya, I know you will understand me,” aniya.