Isang maagang pamasko ang natanggap ni Kapuso actress Heart Evangelista mula sa kaniyang amang si Reynaldo Ongpauco.
Sa kaniyang Instagram story, ibinahagi ni Heart ang naging pag-uusap nila ni Daddy Rey. Ayon sa huli, nais niyang mapasaya ang anak kaya binigyan niya ito ng regalo.

“Buy ka sapatos mo, Christmas gift ko sa iyo. Bayaran ko na lang ‘yung jacket at sapatos pagbalik mo. OK, be happy c u,” mensahe ng daddy ni Heart.
“Awwww thank you!!:) hehehehe,” makikitang sagot naman dito ng fashion icon.
Sa isa pang Instagram story ay ipinakita naman ni Heart ang larawan ng ilang mamahalin at branded na sapatos na tila namimili na siya kung alin ang bibilhin.
“@rey_ongpauco Agad!” caption niya naman dito at nakatag ang kaniyang daddy.
Isa ring larawan nilang mag-ama noong siya ay bata pa ang ibinahagi rin ni Heart sa Instagram.
Si Heart ay pumunta sa Paris noong nakaraang buwan kung saan muli niyang nakasama si Hermès executive Michael Coste. Nagbahagi pa ang dalawa ng kanilang larawan habang naglalakad sa ulan at nakapayong.

“those who walk with you under the rain [heart emoji] @michaelcostefr , kisses!” caption ng aktres sa kanilang litrato.
Noong Agosto, umugong ang usap-usapan na hiwalay na si Heart sa kaniyang mister na si dating Sorsogon Governor at ngayon ay Senador Francis ‘Chiz’ Escudero.
Ito ay matapos tanggalin ni Heart ang ‘Escudero’ sa kaniyang pangalan sa Instagram bio. Ito rin umano ang dahilan kung bakit bigla na lang siyang lumipad patungong Paris para mapawi ang sakit ng loob.

Noong kaarawan ni Chiz nitong Oktubre, hindi rin ito binati ni Heart na madalas niyang gawin noong sila ay magkasama pa.
Sa kaniyang pinakahuling panayam ng Philstar matapos bumalik sa Pilipinas, sinabi ng aktres na hindi siya sigurado kung mananatili nang matagal sa bansa.

“It depends, it depends. I have work also, so depende,” wika ni Heart.
Kinumpirma rin ni Heart kamakailan na mayroon siyang bagong apartment sa Paris kung saan siya pansamantalang maninirahan.