Engaged na ang Kapamilya heartthrob at Pinoy Big Brother (PBB) host na si Robi Domingo sa kaniyang kasintahang si Maiqui Pineda.
Ibinulgar ito ng ABS-CBN showbiz reporter na si MJ Felipe na siya ring nagbahagi ng video ng proposal ni Robi sa Twitter.
Naganap ito nitong Biyernes, Nobyembre 4, sa Shibuya crossing sa Tokyo, Japan kung saan nagbabakasyon ang magkasintahan kasama ang kanilang malalapit na kaibigang sina Zanjoe Marudo, Ria Atayde, Daniel Padilla, Kathryn Benardo at Joshua Garcia.

Nasaksihan din ang nakaKIkilig na proposal ni Robi ng kaniyang matalik na kaibigan at ng pamilya ni Maiqui.
Taong 2018 nang mapabalitang nililigawan noon ni Robi si Maiqui matapos ang break-up nila ni Gretchen Ho.
Ibinahagi noon ng Kapamilya star na batchmates sila ni Maiqui sa Ateneo de Manila University at minsan lang sa isang taon sila nagkikita.
Minsan daw ay muling nag-krus ang kanilang landas sa isang Christmas party at nagkataong break na rin ang dalaga sa kaniyang boyfriend.

Doon na umano nagsimula ang kanilang love story bagama’t hindi sinabi ng binata kung kailan sila opisyal na naging magkasintahan.
Para kay Robi, si Maiqui na ang babae para sa kaniya na inilarawan niyang “napaka-graceful and yet full of substance.” Boses pa lang daw ng kaniyang girlfriend ay musika na sa kaniyang pandinig.
“Binibigyan niya ako ng bagong direksiyon. Kasi kung ako lang, work, work, work. How, what, when. Siya ‘yung nagbibigay ng why,” kuwento ng 32-anyos na binata.

Dapat raw sana ay sa New York gagawin ni Robi ang kaniyang proposal subalit dahil sa conflict sa schedule ay napagpasiyahan niyang gawin na lang ito sa Tokyo.
Nabanggit rin noon ng TV host sa isang panayam na nakikita niya ang sarili na mayroon nang pamilya sa sa susunod na limang taon. Gayunpaman, hindi pa napag-uusapan ng magkasintahan kung kailan sila magpapakasal.