Ano man ang status sa buhay, walang mahirap basta may pangarap.
Nag-viral sa Tiktok ang video ng isang netizen na si Mark Esterado kung saan ibinahagi nito ang kanyang karanasan bilang isang working student.
Pinagsasabay umano ni Mark ang kanyang pag-aaral at pagtatrabaho bilang part timer sa fast food store at dahil sa pandemic, tanging online class muna ang kanyang naging silid-aralan.
Kalaunan naman ay kinailangan ni Mark na mag-resign sa Jollibee dahil bumalik na ang kanilang face- to-face classes.
Dahil marami siyang bakante sa klase ay naisipan muli nitong mag-part-time job kaya sinubukan naman nitong pumasok sa McDonald’s.

Karanasan bilang mag-aaral at part timer
Ayon sa ‘The Philippine Star’, ilang taon na ring nagtatrabaho si Mark sa iba’t-ibang fast food at kasalukuyan itong nagtatrabaho sa McDo.
“First year po ako nung 2019, then nung mag-start na ‘yung COVID po, nag-start na rin ‘yung online class so medyo hindi ko po masyado maintindihan ‘yung sa online kasi may computer naman po ako pero sira. ‘Yun po medyo mahirap po talaga ‘pag IT ka tas wala kang mga gamit like laptop or computer,” kuwento niya sa Philippine star.
Nahihirapan si Mark sa kanyang kurso dahil sa kakulangan nito sa kagamitan katulad ng laptop o computer, na sana ay nasa ikapat na baitang na sa kolehiyo. Nagdesisyon itong mag-shift sa Hospital Management sa Cristal e-College.
Hindi naman naging madali para kay Mark ang pagsabayin ang mga kinakailangan nito sa eskwelahan at pagiging part-timer.
Gusto rin kasi ni Mark na tulungan ang inang umampon sa kanya kaya naman hindi niya mabitawan ang kanyang trabaho.
Ayon kay Mark, hindi na ito nanghihingi ng panggastos sa kanyang ina dahil nahihiya umano ito.
Dahil wala pa siyang sahod at isang linggo pa lamang si Mark sa trabaho, nagdesisyon itong makipag-usap sa kanyang manager para matulog sa loob ng fast food store upang makatipid.
Mabuti na lamang at mabait ang kanyang manager dahil naiintindihan nito ang kanyang sitwasyon kaya pinayagan siya nitong matulog sa loob.

Kapag natapos na niya ang kanyang trabaho saka naman ito pumapasok sa eskwela.
Talagang pursigido si Mark na makapagtapos ng pag-aaral para lamang makaahon sa kahirapan.
Nakaka-inspire, hindi ba?
Ikaw? Anong kwento mo bilang working student?
