Mahigit tatlong buwan ang lumipas bago muling nakapag-post sa kaniyang Instagram account si Vhong Navarro simula nang siya ay sumuko sa National Bureau of Investigation kaugnay ng kasong isinampa sa laban sa kaniya ni Deniece Cornejo.
Nitong Disyembre 25, sa mismong araw ng Pasko, ibinahagi niya ang larawan kasama ang kaniyang pamilya at mga kaibigan sa harap ng Christmas tree.

Ayon sa komedyante, napakarami niyang dapat ipagpasalamat ngayong Pasko at nagpasalamat na rin siya sa lahat ng nagdasal para sa kaniya.
“Napakarami kong pinagpapasalamat… Thank you, Jesus! Happy Birthday! Sa lahat ng nag dasal at umalalay sa akin maraming maraming salamat. God bless!” caption ni Vhong sa kaniyang Instagram post.
Isa na raw ito sa pinakamasayang Pasko sa kaniyang buhay na ipinagdiwang niya kasama ang mga mahal sa buhay.

“Blessed Christmas sa ating lahat! Pinakamasayang Pasko kasama ang aking pamilya at mga kaibigan,” wika pa ng ‘It’s Showtime’ host.
Binati rin ang comedian-host ng kaniyang mga kasamahan sa showbiz kabilang na sina Kuya Kim Atienza, Randy Santiago, Jugs Jugueta, Nikki Valdez, Joross Gamboa, Randy Santiago at Anthony Pangilinan.
Noong Setyembre pa ang pinakahuling post ni Vhong sa Instagram kasama ang kaniyang misis na si Tanya Bautista. Pagkaraan ng ilang araw ay sumuko na nga ang aktor sa NBI kung saan ito nadetine nang ilang linggo bago nailipat sa Taguig City Jail noong Nobyembre 21.
Nitong Disyembre 6 naman ay pansamantalang nakalaya si Vhong matapos payagan ng korte na siya ay makapaglagak ng piyansang nagkakahalaga ng P1-M.

Muli rin silang nagkita-kita ng kaniyang mga dating kasamahan sa Streetboys kabilang na si Sphencer Reyes na umuwi rin sa Pilipinas para makapiling ang pamilya nito.
Noong isang araw naman ay inamin ni Vice Ganda na wala siyang ideya kung kailan magbabalik si Vhong sa ‘It’s Showtime’.
Tiniyak din ni Vice na muling mapapanood ang kaibigan sa kanilang noontime show subalit hindi niya umano masasabi kung kailan ito mangyayari dahil kailangan din ni Vhong ng pahinga.