Patuloy ang girian sa pagitan ng pamunuan ng Bureau of Correction (BuCor) at pamahalaang lungsod ng Muntinlupa matapos ang itinayong pader na humarang sa dinaraanan ng mga residente ng Katarungan Village Biyernes nang gabi, Nobyembre 26.
Itinayo ng BuCor ang naturang pader bilang sagot umano sa ‘maraming insidente ng illegal na aktibidad’ sa loob ng compound ng National Bilibid Prison.
Subalit kaagad naman itong giniba ng mga residente makaraan ang ilang oras matapos ang sandalling pag-uusap sa pagitan ng pamunuan ng BuCor at nina Muntinlupa City Administrator Allan Cachuela, Cong. Ruffy Biazon at Barangay Captain Allen Ampaya.
![]() |
| Imahe mula sa Facebook| City of Muntinlupa |
Iginiit ng mga opisyal ng lungsod na walang koordinasyon sa kanila ang nabanggit na pagpapatayo ng istruktura na nakaapekto hindi lamang sa mga residente ng Katarungan Village kundi pati na rin sa mga commuters na patungong Muntinlupa National High School Main at Pamantasan ng Lungsod ng Muntinlupa.
Sa kabila ng pag-uusap, hindi pa rin natapos ang kaguluhan dahil nitong Sabado ay nagpadala naman ng backhoe ang BuCor sa lugar para sirain nang tuluyan ang kalsada.
Dahil dito, mismong si Muntinlupa Mayor Jaime Fresnedi na ang nagkondena sa ginawa ng BuCor dahil sa kawalang respeto umano nito sa kanilang pamahalaang lungsod.
![]() |
| Imahe mula sa Facebook| City of Muntinlupa |
Nagpasa na rin ng anim na resolusyon ang konseho ng lungsod na may kaugnayan sa incident kabilang na ang pagdedeklara kay BuCor chief Undersecretary Gerald Bantag bilang persona-non-grata sa Muntinlupa City.
Kaugnay nito, nakialam na rin ang Department of Justice (DOJ) sa usapin upang hindi na ito lalo pang lumala.
Sa isang pahayag nitong Linggo, sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra ipinatawag na niya si Bantag sa kaniyang opisina. Nilinaw naman ng kalihim na maaari lamang niyang payuhan, at hindi puwedeng utusan, si Bantag na pansamantalang itigil na muna ang aktibidad ng BuCor sa lugar.
![]() |
| Screenshot mula sa Facebook| City of Muntinlupa |
“I have advised the BuCor to hold any further construction until we have discussed the underlying reasons or justification, and the proper consultations with the LGU and the communities affected have been conducted,” paliwanag ni Guevarra ayon sa panayam ng Inquirer.
Nauna nang nanindigansi Bantag na walang masama sa pagpapasara nila sa kalsada at pagtatayo ng pader na hollow blocks sa gitna nito.
![]() |
| Imahe mula sa Facebook| City of Muntinlupa |
Nasa mandato umano ng BuCor na tiyakin ang kaligtasan sa loob ng Bilibid at marami naman daw madaraanang kalsada pa ang apektadong mga residente.



