John Lloyd Cruz opisyal nang Kapuso artist

 

Pormal nang inanunsiyo ng GMA Network ang paglipat sa kanilang bakuran ng magaling at multi-awarded actor na si John Lloyd Cruz.

Nitong Martes, Nobyembre 9, inilabas ng Kapuso Network ang balita tungkol sa pagpirma ni JLC ng kontrata sa GMA bilang kanilang pinakabagong talent.

“Multi-awarded and highly-respected actor John Lloyd Cruz is ready to begin a new chapter in his life. Today (November 9), he officially marks his comeback by signing a contract for a big project with GMA Network at the Edsa Shangri-La Hotel, Mandaluyong,” anito.

Si John Lloyd ay nagsimula ng kaniyang karera, nakilala at sumikat bilang talent ng Kapamilya network. Namahinga siya mula sa industriya nang ilang taon matapos ang kaniyang kontrobersiyal na relasyon at kinalaunan ay pakikipaghiwalay kay Ellen Adarna.

Nagbunga ang kanilang relasyon ng isang anak at ngayon ay kapwa may kani-kaniya nang buhay ang dalawa.

Samantala, ang contract-signing ay pinangunahan ni GMA Network’s board director, programming consultant to the chairman/CEO, at GMA Films president Annette Gozon-Valdes kasama ang iba pang matataas na opisyal ng media giant.


Imahe mula sa GMA Twitter


Dumalo rin  sa nasabing pagtitipon sina Direk Edgar “Bobot” Mortiz at dating Star Magic Manager Johnny Manahan. Sina Mortiz at Manahan ay dating nakasama ni JLC sa ABS-CBN at kapwa nangibang-bakod na rin matapos mabigo ang Kapamilya network na makakuha ng bagong prangkisa noong 2020.

Bago pa man ang paglipat ni JLC, nauna nang pumirma ng kontrata sa GMA ang kaniyang sikat na ka-love team na si Bea Alonzo na nakasama niya sa ilang blockbuster na pelikula ng Star Cinema tulad ng ‘One More Chance’, ‘Miss You Like Crazy’, ‘ A Second Chance’ at marami pang iba.

Si JLC ay unang sumikat sa teleseryeng ‘Tabing-ilog’ taong 1999 kung saan naka-partner niya si Kaye Abad. Subalit maituturing na ‘breakthrough’ role ni John Lloyd Cruz ang pagganap bilang si ‘Yuri’ sa ‘Kay Tagal Kang Hinintay’ kung saan una niyang nakasama si Bea Alonzo.


Screenshot mula sa ‘Miss You Like Crazy’ via You Tube


Sinundan ito ng ilan pang markado at lead roles sa mga teleseryeng ‘It Might Be You’ and ‘Ikaw Ang Lahat Sa Akin’ na pawang pumatok sa mga manonood.

Tumabo rin sa takilya ang kanilang tambalan sa pelikula ni Pop Princess Sarah Geronimo tulad ng ‘A Very Special Love’, ‘You Changed My Life’ at ‘It Takes A Man and A Woman’.

Post a Comment

Previous Post Next Post