Manny Pacquiao ‘pinaaatras’ na ni Chavit Singson

Pinaaatras na ni dating Ilocos Sur governor at kasalukuyang Narvacan Mayor Chavit Singson si Manny ‘Pacman’ Pacquiao na kumakandidato ngayon sa pagkapangulo ng bansa.

Sa isang panayamng Inquirer, sinabi ni Singson na naniniwala siyang hindi pa ‘kwalipikado’ si Pacquiao para maging susunod na presidente.

Kailangan umano sa isang pangulo ng Pilipinas ay edukado at may malawak na karanasan sa pulitika. Mas mabuti pa raw na manatili na munang senador ang ‘Pambansang Kamao’ upang makakuha ng ‘experience’.

Mayor Chavit Singson/ Imahe mula sa Facebook

Dagdag pa ni Singson, ‘mapapahiya’ lamang ang bansa kapag nahalal si Paccquiao sa Malakanyang dahil siya ang magiging ‘mukha’ ng mga Pilipino.

“Advise ko lang sa kaniya, dapat umatras na. [Bilang] senator, makakakuha ka dun ng malaking experience, at the same time, makakatulong ka pa rin sa taong bayan,” payo ni Chavit.

Matatandaang dating malapit na magkaibigan sina Pacquiao at Chavit subalit nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan matapos suportahan ng boxer-politician ang pagsusog sa excise tax law ng tabako na siyang pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan ng mga kababayan ng huli sa Ilocos.

Imahe mula sa Bleacher Report

 

Ito rin ang dahilan kung bakit hindi namataan si Chavit sa pinakahuling laban ni Pacman kontra Yordenis Ugas.

Bukod dito, ibinulgar din ni Singson na ‘pinaiikot’ lamang ang ‘People’s Champ’ ng kaniyang mga handler at pinaasang mananalo siya sa halalan sa 2022.

“Ang mga handler niya ngayon ang nagpapaikot sa kaniya, kung ano-ano ang sinasabi, pinapagastos siya,” ani Singson. “Kawawa siya bilang araw, nakikinabang mga handler niya ngayon”.

Ganunpaman, hindi isinasara ni Chavit ang pintuan sa kanilang muling pagkakaayos bilang magkaibigan.

Imahe mula sa Facebook

Anang alkade, lahat naman ng nakalaban niya dati sa pulitika, tulad ni dating Pangulong Joseph ‘Erap’ Estrada ay kaibigan niya na muli ngayon.

“I’m always for a reconciliation,” wika pa nito.

Hindi naman sinabi ni Singson kung sino ang kaniyang susuportahang kandidato sa pagka-pangulo subalit tiniyak nitong si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio ang kaniyang bise presidente.

Post a Comment

Previous Post Next Post