Megastar Sharon Cuneta pasok na rin sa ‘Ang Probinsyano’

Maibibilang na ngayon ang pangalan ni Megastar Sharon Cuneta sa mahabang listahan ng mga bigating artista na lumabas sa FPJ’s ‘Ang Probinsyano’, ang popular at itinuturing na longest-running action-drama series sa kasaysayan ng telebisyon sa bansa.

Ang ‘Ang Probinsiyano’ ay pinagbibidahan ni Coco Martin at kamakailan lamang ay nagdiwang ng ika-6 na taong anibersaryo nito bilang teleserye sa Kapamilya network.

Nitong Martes, Nobyembre 9, pormal nang ibinahagi sa publiko ng ABS-CBN at Dreamscape Entertainment ang pagpasok ni Sharon sa ‘Ang Probinsiyano’. Ang pag-welcome sa Megastar ay pinangunahan nina ABS-CBN COO of broadcast Cory Vidanes, TV production head Laurenti Dyogi, Dreamscape Entertainment head Deo Endrinal, at “Ang Probinsyano” lead star, director, at creative director na si Coco Martin.

Imahe mula sa ABS-CBN News

Noong nakaraang Agosto unang ipinaramdam ni Sharon ang kaniyang pagpasok sa nasabing teleserye matapos niyang i-repost ang isang larawan kasama sina Coco at Julia Montes.

Nitong nakaraang linggo naman ay inilabas ng Kapamilya network ang isang teaser na nagsabing may aabangang ‘Mega’ addition ang mga manonood ng ‘Ang Probinsyano’ sa mga susunod na araw.

Bakit nga ba niya tinanggap ang role sa ‘Ang Probinsiyano’

Si Sharon ay matagal nang Kapamilya subalit ito ang kauna-unahang pagkakataon na sasabak siya sa isang teleserye sa nabanggit na network.

Sa ginanap na virtual presscon nitong Martes din, ibinahagi ni Mega na si Cory Vidanes ang lumapit sa kaniya para maging bahagi ng naturang teleserye.

Imahe mula sa Instagram

“Ang dali lang. When Tita Cory sent me a text message, ‘We’d like to offer you a role in Probinsyano,’ yes agad. Nagka-Zoom kami na meeting and Coco pitched the story to me, ‘yung character ko. For me, it was a no-brainer. Sino ba naman ang ayaw maging part ng Probinsyano?” paliwanag ni Sharon.

Kaagad raw siyang pumayag kahit alam niyang may lockdown at malalayo siya sa kaniyang pamilya. Sa katunayan umano, excited din ang kaniyang pamilya sa pagpasok sa sikat na action series sa telebisyon.

Isa rin umano sa mga dahilan ay dahil sa ‘Ang Probinsyano’ ay kilalang tatak-FPJ na malapit niyang kaibigan noong nabubuhay pa ito at nakasama na rin niya sa dalawang blockbuster na pelikula – ang ‘Kahit Konting Pagtingin’ at sequel nitong ‘Minsan Pa’.

Imahe mula sa You Tube

Inamin rin ng beterana at premyadong aktres na bagama’t excited siya, may kaunting kaba pa rin siyang nararamdaman dahil alam niyang iba ang paggawa ng pelikula kumpara sa mga teleserye.

Samantala, aabangan na ngayon ng mga masusugid na fans ng ‘Ang Probinsyano’ kung ano ang magiging papel ni Sharon Cuneta sa nabanggit na teleserye na mapapanood sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, CineMo, Kapamilya Online Live sa YouTube at Facebook page, iWantTFC, WeTV, at iflix.

 

 

 

 

Post a Comment

Previous Post Next Post