Sec. Tugade nag-init ang ulo nang may mambato sa tren ng MRT-3

Hindi napigilan ni Department of Transportation (DOTr) Sec. Arthur Tugade na mapamura matapos may mambato sa tren ng MRT-3 nitong Linggo nang umaga, Nobyembre 21, sa may Lungsod ng Pasay.

Bukod kasi sa nabasag ang salamin ng bintana kung saan lumusot ang bato, nasaktan din ang isang pasaherong nakasakay sa tren.

“Sana mahuli itong t**r@Nt@d0** gumawa nito!” anang kalihim sa kaniyang Facebook post.

Screenshot mula sa Facebook/ Sec. Art Tugade

Nangyari umano ang insidente dakong alas-6:50 nang umaga habang bumibiyahe ang nasabing tren papuntang Magallanes Station.

“‘Yung ganitong g@g*ng tao ay dapat na nakukulong!!!” dagdag pa ni Tugade.

Kaagad namang nilapatan ng first aid ang tinamaang 51-anyos na lalaking pasahero bago ito isinugod sa San Juan De Dios Hospital upang gamutin.

Imahe mula sa Facebook/ Sec. Art Tugade

Kaugnay nito, nahuli na umano ang scavenger na responsable sa pamamato habang nakatambay ito sa isang construction site sa may Taft Avenue.

Tiniyak din ng pamunuang ng MRT-3 na pananagutin nila sa batas ang nasabing scavenger.

“The MRT-3 Management assures the public that appropriate legal charges will be filed against those involved in the incident. Necessary steps will also be taken to prevent similar incidents from happening in the future,” ayon sa pahayag ng MRT-3.

Imahe mula sa Facebook/ Sec. Art Tugade

Hindi ito ang unang insidente ng paninira sa tren ng MRT-3 ngayong taon.

Noong nakaraang Mayo, nilagyan ng graffiti ang isang tren habang nakahinto ito sa pagitan ng Taft at Magallanes station.

Post a Comment

Previous Post Next Post