Humingi na ng paumanhin ang isang lalaking guro sa Pampanga matapos sitahin ng DepEd ang kaniyang video na nag-viral sa Tiktok kamakailan dahil hindi umano ito ‘naaangkop’ na aksiyon para sa kabataan na kaniyang tinuturuan.
Sa panayam sa Teleradyo, sinabi ng isang grupo ng mga teacher na nag-sorry na ang nabanggit na guro subalit hindi umano ito nangangahulugan na palalampasin nila ang ‘pagkakamaling’ ginawa nito.
“Naglabas na ng apology yung ating teacher po dito at sinabi niyang yon ay katuwaan lang,” ani Benjo Basas ng Teachers’ Dignity Coalition.
“Kumbaga, he’s man enough na tanggapin ‘yung posible na pagkakamali d’un sa kanyang ginawa,” dagdag pa ni Basas.
Bukod dito, dapat raw talagang paalalahanan ang mga teacher ngayon na iwasan ang mga katulad na aksiyon at malaman ang kanilang limitasyon bilang mga propesyonal.
Posibleng hindi pa rin daw ligtas ang guro sa kasong maaaring isampa sa kaniya tulad ng sinabi kamakailan ni DepEd Secretary Leonor Briones na nadismaya matapos kumalat ang video sa social media.
Gayunpaman, nalulungkot si Basas na pinagpiyestahan agad ng mga netizens ang lalaking teacher lalo pa’t ang iba’y mabilis na hinusgahan kaagad ang pagkatao nito.
Dapat daw sana ay hindi na rin muna inilabas sa publiko ang pangalan at maging ang mukha mismo ng teacher pati na ang paaralan kung saan siya nagtuturo.
“Eto po yung sinasabi na magna carta for public school teachers. Wala pong publicity allowed dito sa kaso pero hindi po gan’un ‘yung nangyari. Hindi na-protektahan ‘yung kanyang identity and itsura,” paliwanag ni Basas.
Ang iba nga raw na nahuhuling may-sala ay hindi agad inilalabas ang mukha at pangalan sa publiko upang protektahan ang kanilang pagkatao subalit hindi umano ganito ang nangyari sa kontrobersiyal na guro.
Nilinaw rin ni Basas na bukas at pabor sila sa desisyon ng DepEd na imbestigahan ang teacher upang maipagtanggol naman nito ang kaniyang sarili.



