Walang pagsidlan ng tuwa ang isang tattoo artist nang hinilingan siya ng napakapopular na mambabatok na si Apo Whang-Od na magpa-tattoo sa kanya.
Ikinuwento ng tattoo artist na si Diegz Madrona nito lang Nobyembre ng nakaraang taon siya nagpa-tattoo kay Apo Whang-Od. Dahil sa sobrang saya na ang maalamat na mambabatok ang nagta-tattoo sa kanya ay wala raw siyang sakit na naramdaman.

“Noong tinatatuan niya ako hindi ko naramdaman ‘yung sakit kasi sobrang saya ko po eh,” pagbabahagi ng tattoo artist.
Nang matapos ang pag-tattoo sa kanya ng oldest at world-renowned traditional tattoo artist ay nagulat na lang daw si Diegz nang humiling si Apo Whang-Od na magpa-tattoo sa kanya.
Nakita raw kasi nito ang dala niyang “machine” na ginagamit sa pag-tattoo. Nagandahan daw si Apo Whang-Od.
“Nag-picture-picture na po kami, tapos nakita ‘yung machine ko, ang sabi ang ganda raw doon sa word po nila. Tapos, baka puwede ko raw po siyang tatuan. Tapos sabi ko ‘Sige po.’ Tapos may dala raw po ba akong gamit? Sabi ko ‘Wala po eh pero puwede po ‘yung ink niyo po na traditional,” ani Diegz.

Ang maalamat na mambabatok na rin ang pumili ng disenyo na ita-tattoo sa kanya ni Diegz.
Kahit may nararamdamang kaba ay pinilit ni Diegz na maayos na matatuan si Apo Whang-Od. Sabi niya, pumapaling-paling daw ang “machine” niya habang tinatatuan ang matanda pero nagawa raw niya nang maayos.
Once in a lifetime lang daw mangyayari na matatuan niya ang pamosong si Apo Whang-Od kaya sinunggaban na niya ang pambihirang pagkakataon.

“Sobrang pumapaling pero pilit kong nilalabanan ‘yung pagpaling niya. Tapos nararamdaman din nila o nakikita ng mga nanonood sa amin, ‘Uy sir nanginginig ka ah, pumapaling ah.’ Ako, parang hindi ko pinapakinggan. Moment ko na ito, gagawin ko na ito kahit ano man ang mangyari. Halatang halata, sobra. ‘Yung kaharap mo talagang respetado eh,” aniya.
Ang karanasan ni Diegz ay habambuhay nang nakaukit hindi lang sa kanyang balat kundi maging sa kanyang puso.