May mensahe si Arnold Clavio sa kaniyang mga haters na umaasang lumala pa ang kaniyang kondisyon matapos dapuan ng COVID-19.
Sa kaniyang Instagram post nitong Linggo, unang pinasalamatani ni Arnold ang kaniyang pamilya, kaibigan at mga followers sa social media.

Anito, “Sa aking pamilya, mga mahal sa buhay, kaanak, ka-trabaho, kalaro at lalo na kayong mga kapuso, mga viewer, listener at reader ko at follower sa Instagram (@akosiigan) at Facebook (@iGanclavio), maraming maraming salamat po. Kayo ang aking naging lakas at sandigan.”
Subalit may mensahe rin siya sa mga diumano’y umaasa na lumala ang kaniyang kondisyon.
“Sa mga umasa na ako ay lumala at tuluyang mamatay, panalangin po ang aking alay. Nawa’y hindi ninyo maranasan ang nararanasan ngayon ng marami sa Pilipinas at sa buong mundo. Kalakip ang kaliwanagan ng isipan at mabatid na tayong lahat ay may pananagutan sa piling Niya,” wika ng Kapuso broadcaster.
Marami raw siyang natutunan sa panahon ng kaniyang pag-iisa at tiniyak nito sa madla na isang ‘matalino at mabuting nilalang’ ang kanilang masasaksihan sa kaniyang pagbabalik.
“Misyon kong maging instrumento ni Ama na sa gitna ng pandemic, ang ikalat natin ay ang pagmamahalan at hindi galit, kalinga at hindi inggit, pag-asa at hindi kalungkutan, katotohanan at hindi paninira’t kasinungalingan,” pagwawakas ni Arnold.
Unang inilahad ni Arnold sa kaniyang Instagram account din noong isang linggo na siya ay nagpositibo sa COVID-19.
BASAHIN: Arnold Clavio nagpositibo sa COVID-19 sa kabila ng pag-iingat
Bagama’t mild lamang ang kaniyang naging sintomas, pinaalalahanan pa rin ni Igan ang kaniyang mga followers na ‘totoo’ at ‘seryoso’ ang virus.

Sa kaniyang pinakahuling IG post nitong Lunes, ibinahagi ng beteranong TV at radio journalist na negatibo na ang kaniyang antigen test result.
Subalit hindi raw siya magkakampante sapagkat kailangan pang magpalakas at magpahinga dahil mayroon pa rin siyang ubo at sipon sa kasalukuyan.