May tropa ba kayong malayo-layo na ang narating kumpara sa dating pagkakakilala n’yo sa kanya? Kagaya na lang ng isang batang kalye noon na ngayon pala ay negosyante na!
Hindi mo marahil aakalain na darating ang malaking pagbabago sa buhay ng isang dating kakilala. Si Roy Carlo Villegas ay isa lamang magbobote noon pero ngayon may-ari na siya ng isang restawran na naghahain ng Bulalo sa banga at ng Uncle Roy’s Burger na matatagpuan sa Calamba, Laguna.

Si Roy Carlo Villegas ay ipinanganak umano na mayaman pero naghirap sa isang iglap ang kanyang pamilya. Isa-isang nawala ang kanilang tatlong maid. Kalaunan ay palagi namang wala ang kanyang ina sa kanilang bahay at ‘di nagtagal ay napabayaan na siya at naging batang kalye at magbobote sa lansangan.
Binigyang-kalinga naman siya ng mga Good Samaritan at inampon siya ng mga ito.
Hindi nagtagal ay naging basketbolista si Roy at nagdala ito ng pagbabago sa kanyang buhay.
“Noong na-discover na ako na naglalaro ako ng basketball, noong grade 5. Dinala niya ako sa Manila, pagkadala niya sa akin sa Manila, nagustuhan agad ako ng kung ano-anong team,” kuwento niya na ang tinutukoy ay ‘yung umampon sa kanya.
Para masuportahan ang kanyang pamumuhay, binibigyan siya ng mga ito ng tig-20 pesos kada magsusuweldo sila sa U.E. Para naman sa kanyang dagdag pera, siya mismo ang naglilinis ng mga sapatos ng mga ito. Kalaunan ay nagtrabaho siya bilang isang basketball coach.

Nag-resign si Roy Villegas sa kanyang trabaho para magsimula ng burger business gamit ang isang lumang kariton sa puhunang P5,000. Kaya lang, halos wala siyang kinita sa unang tatlong buwan. Pero hindi siya tumigil mangarap at nagsikap pa siya nang maigi.
Hindi naglaon ay dumating ang kanyang big break. Sumigaw ng pa-order ang sikat na banda na Parokya ni Edgar na nagkataong may event malapit sa kanilang lugar at bumili sa kanya ng 20 pirasong burger. Dahil nagustuhan ng banda ang burger ni Roy, makalipas ang apat na oras ay bumalik ang manager ng Parokya ni Edgar at nasa 80 piraso ng burger na ang binili nito.
Labis naman ang tuwa ni Roy nang makabenta siya nang marami nang araw na ‘yon. Naipost niya ang pasasalamat sa sikat na banda at tila naging hudyat iyon ng mas magandang future sa pinasok niyang pagnenegosyo.
Nakapag-eksperimento siya ng iba’t ibang putahe hanggang sa maging hari ng kusina sa sariling negosyo.
Ang mga bida niyang luto ay Gourmet burger at bulalo.
Mula sa karag-karag na burger cart ay nakapagpatayo na si Roy ng dalawang restaurant at balak pa niyang mag-expand.

Sa kanyang panayam sa MyPuhunan, tinanong siya ng host na si Karen Davila, isang kilalang journalist, kung ano ang susi sa kanyang tagumpay.
“Ang susi ng tagumpay ko ay be honest, always. Be honest to yourself especially. Don’t be hesitant. No doubt ka dapat sa lahat ng haharapin mo. ‘Pag naisip mo, find a way kasi malay mo ‘yung inisip mo na ‘yun could make a difference,” sagot naman ni Roy.
Malayo na ang narating ng dating batang kalye. Gayunpaman ay hindi siya nakalilimot sa mga taong tumulong sa kaniya upang matupad ang kanyang mga pangarap.
Masaya naman siya na binabalikan ang hirap ng nakaraan; sa kabila ng pait ay pinili niyang magpatawad sa kanyang ina na nang-iwan sa kanya.
Kumikita ng P300,000 kada buwan si Roy at naipatayo na rin niya ang kanyang dream house, nakabili ng mga kotse, at nakaluluwag na sa buhay.
Naitampok ang success story ni Roy sa Unang Hirit ng GMA News and Public Affairs noong October 2021. Kamakailan ay sa Kapamilya network naman siya na-feature:
View this post on Instagram