Kapag bata ka pa, hindi mo alam kung saan ka dadalhin ng kapalaran. Sino ba naman ang mag-aakala na mula sa pagiging batang-sementeryo ay mararating niya ang estado bilang miyembro ng MPD SWAT team?
Siya si PO1 Angelo ‘Yong’ Borlongan na kabilang sa SWAT team ng MPD. Ang 28-anyos na police officer ay sa sementeryo ipinanganak at doon na rin lumaki at nagkaisip kasama ang kanyang nanay, lolo at lola.

Viral na pulis
Nag-viral si PO1 Yong dahil sa isang video sa Tiktok kung saan plano niya sanang magsayaw ngunit biglang pumasok ang kaniyang team leader na naghahanap ng kutsilyo para tanggalin ang tali sa walis. Ang video na ito ay humakot ng mahigit 8.7M views. Dahil dito ay ifineature siya ng Rated Korina.
Si Yong pala ay lumaki sa sementeryo kapiling ang kanyang ina at ang lolo’t lola. Ang kanyang lolo ay isang sepulturero at naging katu-katulong nito si Yong.
“Bilang isang bata, nagkaroon po ako ng pangarap sa buhay. Nakita ko po ‘yung aking mga magulang, ang aking mga lolo kung gaano kahirap,” paglalahad niya.
Walang permanenteng trabaho ang pagsesepulterero, kaya iniwanan si Yong ng kanyang ina sa kanyang lolo at lola para hanapin ang kapalaran sa ibang lugar.
“Wala ‘kong mapapag-iwanan kundi mga magulang ko lang ang pagkakatiwalaan ko, kailangan kong maghanapbuhay, pumapasok sa pabrika para kahit papano siyempre meron din silang makain. Napakahirap po ng isang single mom,” ani Alona Borlongan, nanay ni Yong.

Dumating rin sa punto na halos walang ulam at kanin lang umano ang kinakain nina Yong.
Noong 2003 bumalik at kinuha siya ng kanyang ina sa kanyang lolo at lola at pinalaki na siya ng kanyang stepfather.
Pagka-graduate sa highschool, hindi na niya inasahan na siya ay makatutuntong pa sa kolehiyo. Ngunit nagtulong-tulong umano ang mga magulang ni Yong at mga kamag-anak sa sementeryo para matustusan ang pag-aaral niya sa kursong BS Criminology.
Sa wakas ay nakatapos na siya ng kolehiyo at naging ganap na pulis nang pumasa sa board exam noong 2016.
“Siyempre po maraming salamat sa Diyos dahil maiisip mo na sitwasyon mo ganun, pero napakasaya maam, Maraming salamat sa Diyos,” aniya sa kanyang panayam sa Rated Korina.
“Naiiyak ako dahil sa dinami dami ng tao, ako pa ‘yung isa sa mga pinili ‘di ba, na maging isang alagad at tagapagpatupad ng batas, sinisikap na maging isang mabuting pulis, ‘di ba po?” aniya.

“Kaya po nakakaiyak dahil sa tuwa, walang mapaglagyan po yung tuwa,” dagdag pa niya.
Nang magkatrabaho ay umupa sila ng kanyang nanay ng bahay sa halagang P4,000 na kadikit din lang ng sementeryo. Kung dati ay sa ibabaw ng nitso siya natutulog, ngayon kahit paano ay may silid na siya at higaan.
“Hindi ko po maiiwan itong sementeryo kasi andito po ang aking comfort zone, dito po ako masaya, nandito po ang buhay ko, walang sasaya pa dito sa lugar na to kahit na ako’y bigyan pa ng pagkakataon ng diyos na mas lalong umangat pa hinding hindi ko kakalimutan ‘tong lugar na to dito na po ako eh, dito na po ako lumaki, dito na rin po ako hihimlay,” pagtatapos niya sa panayam ng Rated Korina.
Panoorin si Gwapulis: