Maraming showbiz personalities ang sumusubok pumasok sa public service sa darating na halalan. Isa sa kanilang pangunahing dahilan sa pakikipagsapalaran sa politika ay upang palawakin umano ang kanilang plataporma sa pagtulong sa iba.
Kabilang sa mga sumusubok sa elective posts sa 2022 ay ang mga kilalang celebrities tulad nina Raffy Tulfo, Jason Abalos, Ejay Falcon, Richard Yap, Angelu de Leon, Nash Aguas, at Dennis Padilla.
Ang action star namang si Robinhood Ferdinand Cariño Padilla, mas kilala bilang Robin Padilla, ay tatakbo bilang senador sa ilalim ng paksyon ng PDP-Laban sa pangunguna ni Energy Secretary Alfonso Cusi.

Bagama’t pinupuna ng ilan ang kanyang “ambisyon” na makakuha ng puwesto sa senado, mayroon ding mga nagtatanggol at nangangampanya pa para sa kanya.
Isa na rito ang kanyang ex-wife na si Liezl Sicangco, ina ni Kylie Padilla, kung saan nagpahayag ito ng suporta sa dating asawa. Sa kanyang post, makikita siyang may hawak na tarpaulin na naka-print ang mukha ng aktor habang isinusulong ang kanyang senatorial bid sa darating na eleksyon sa Mayo 9, 2022.
Sinabayan pa ng caption na: “Ang tunay na may malasakit sa Filipino. Robin ang senator ko.”

Samantala, sa daan-daang naghain ng kanilang Certificate of Candidacy (COC) para sa 2022 senatorial polls, 12 lamang ang mahahalal.
Ang panahon ng kampanya ay magsisimula sa Pebrero 8, 2022, hanggang Mayo 7, 2022. Ang pambansang halalan ay nakatakdang isagawa sa Mayo 9.

Si Robin ay isinilang noong Nobyembre 23, 1969 sa Daet, Camarines Norte, at isa sa mga anak ng dating Camarines Norte Vice-Governor at assemblyman Roy Padilla at Eva Cariño.
Kilala bilang “Bad Boy” ng Pinoy movies dahil sa pagganap ng mga gangster roles, gumanap siya ng mga pangunahing karakter sa mga pelikulang Bad Boy, Anak ni Baby Ama, at Grease Gun Gang. Ang tatlo pa niyang kapatid na sina BB Gandanghari (dating kilala bilang Rustom), Rommel, at yumaong Royette, ay pawang mga artista rin.