Sampung taon na rin ang showbiz career ng aktor na si Ken Chan.
Nagsimula siya bilang isa sa mga co-hosts sa “Walang Tulugan” ng yumaong German Moreno at ngayon ay isa na siya sa mga bankable male actors sa local showbiz industry.

Bukod sa pagiging mahusay na artista, nalilinya na rin ang aktor sa pagnenegosyo. Sa ngayon ay mayroon na siyang tatlong businesses na inaatupag. Filipino-Chinese si Ken kaya naman nananalaytay sa kanyang mga ugat ang dugo ng pagiging negosyante.
Noong November 2020 ay ibinida ng aktor ang ipinagagawang branches niya ng iFuel gasoline stations na umabot na sa lima.
“Just visited two of my iFuel Gasoline Station branches in Baliuag, Bulacan and San Fernando, Pampanga and I couldn’t be happier with the progress coming along. Can’t wait to show you my three new branches in the works. Stay tuned to find out in which cities!” pagbibida ni Ken noong 2020.
Co-founder din siya sa negosyong Aromagicare, na ang produkto ay affordable wellness massage chair at therapy oils.
At kamakailan lang ay inilunsad niya ang Cafe Claus, ang cafe-bakery na nagse-serve ng American at Pinoy dishes bukod pa sa cake at pastries.
Wika ni Ken, bata pa lang siya ay pangarap na raw talaga niya ang magkaroon ng sariling negosyo at ngayon nga ay natupad na iyon dahil sa kanyang pagsusumikap.

Malaking factor daw ang payo ng kanyang mga magulang noon sa pagkakaroon niya ng puhunan sa negosyo. Mula noon hanggang ngayong may matagumpay na siyang showbiz career ay ina-apply pa rin daw niya sa buhay ang pagtitipid na natutuhan mula sa mga magulang.
“Ang turo ng mga magulang ko, kapag kumita ako ng sampung piso, ’yung gagastusin ko ’yung piso at ’yung siyam na piso, itatago ko. Ini-apply ko ’yun sa buhay ko simula pa nang mag-artista ako at hanggang ngayon po,” lahad niya.
Napatunayan raw niya na kapag may mga pangarap ka at pinaniwalaan ang iyongsarili ay matutupad ang mga iyon.
