Kapag tayo ay bumibili sa taho vendor ang ipinambabayad natin ay ang perang hawak-hawak natin, pero alam mo ba na ang ilang taho vendor sa Boracay ay tumatanggap na ngayon ng cashless payment?
Viral ngayon sa social media ang taho vendor sa isla ng Boracay na si Mang Reynaldo Indalos.
Paano ba naman hi-tech na rin kasi ang pagbabayad sa kanya ng mga customer. Si Mang Reynaldo ay tumatanggap ng bayad gamit ang GCcash at Paymaya app. May pa-QR code o ‘quick response’ code pa ito. Scan and pay, ganoon kadali!

“Sa beach maam kapag nagdadala po ako nito, ang sigaw ko po Tahooo! kapag walang cash pwede gcash,” ani Reynaldo sa Ulatbayan.
Ayon kay Roanne, isang online freelancer na kumuha ng video, natuwa siya sa diskarteng ito ni Mang Reynaldo kaya’t kahit walang dalang cash ay napabili na rin siya ng taho.
“I find cashless transaction mas convenient and also para iwas na rin for covid sense. ‘Yung money syempre. ‘Yung transfer ba ng viruses sa paghawak natin ng pera,” aniya sa Ulatbayan.

Ayon pa sa uploader, maging ang mga maliliit na vendor sa Boracay ay naka-cashless transaction na rin.
“Bibigyan ka na talaga nila ng QR code. As in naka laminate na talaga at ipapakita na lang sa’yo,” aniya.
Para naman kay Mang Reynaldo, na anim na taon nang magtataho sa Bora, nakatulong din sa kanya ang ganitong mode of payment. Minsan kasi ay malaki rin ang tip ng mga customer at dahil sa kanyang kwelang personalidad na-feature na rin siya ng mga bloggers mula sa ibang bansa.

“‘Yung taho ko, maam, may halong pagmamahal,” ngiting sabi ni Mang Reynaldo.
“Pampatibay ba ng relasyon ‘yung taho ko, sigurado,” dagdag pa niya.
Sa panahong nasa gitna tayo ng pandemya, lumalabas lalo ang diskarte ng marami at nahihikayat ang bawat isa na sumabay sa teknolohiya na mayroon ngayon. At sa panahon din na apektado ang kabuhayan ng mga maliliit na naghahanap-buhay, mainam na sila’y ating tangkilikin at suportahan.