Tinanggal na ng You Tube ang ilang channels na nagpapakalat diumano ng mga ‘fake news’ tungkol kina Sharon Cuneta at mister niyang si Senador Kiko Pangilinan.
Sa panayam ng Teleradyo, ibinahagi ni Senator Kiko na nagsampa na rin siya ng kasong cyberlibel laban sa mga YT channels na ‘Latest Chika’ at ‘Starlet’ na naglabas raw ng mga maling balita tungkol sa kanilang mag-asawa.

Kabilang na rito ang ‘fake news’ na sinasaktan niya umano si Sharon at pati na rin ang kanilang ‘paghihiwalay’ daw dahil sa third party.
“Sa kaso mismo, nakapending pa rin. Sa mga YouTube channel na naglalabas ng kasinungalingan, sa awa ng Diyos ay tinakedown na ng YouTube at ng Google,” paglalahad ng senador sa nasabing panayam.
Nauna nang pinasinungalingan ni Megastar ang mga nasabing ulat at pinagtawanan din nito ang tsismis na may nakarelasyon siyang mas batang lalaki.

Ani Pangilinan, sana daw ay hindi na umabot pa sa korte para lamang tanggalin ang mga nasabing channels dahil mismong ang You Tube ay may sinusunod na mahigpit na community standards.
“Nakita natin pag hindi tayo kumilos, hindi rin sila kikilos,” wika ng mambabatas na tumatakbong bise presidente sa darating na halalan.

“Tayo ay nagpapasalamat sa YouTube at sa Google at ilang reklamo namin ay sa wakas ay nabigyan ng pansin. Sana ganun din sa iba na walang pangalan. Marami ang nabibiktima ng fake news at hindi tama,” ayon pa kay Pangilinan.
Hinimok rin ng senador ang Justice department na mas pabilisin pa ang kanilang aksiyon sa mga cyberlibel na kaso dahil mas lalo pang dumarami ngayon ang pinupuntirya ng fake news at misinformation campaign lalo pa’t nalalapit na ang eleksyon.