Tinanggal na sa lineup nina Senador Ping Lacson at Senate President Tito Sotto si dating Quezon City Mayor Herbert ‘Bistek’ Bautista bilang isa sa kanilang mga iniendorsong senatoriables.
Kinumpirma ito nitong Miyerkules nina Lacson at Sotto na kapwa umano nakatanggap ng sulat mula kay Bautista.

Hinihiling raw ni Bistek na maging representative ng Nationalist People’s Coalition (NPC) sa UniTeam, ang tandem nina Bongbong Marcos at Sara Duterte-Carpio.
Si Bautista ay isa rin sa iniendorso ng UniTeam at nakadalo pa sa proclamation rally nina Marcos at Duterte sa Philippine Arena noong Pebrero 8.

Ayon kay Lacson, hindi nila maintindihan ang ibig sabihin ng sulat ng actor-politician kaya nagpasya silang tanggalin na lamang ito sa kanilang line-up.
“Hindi ko maintindihan kung papaano ko sasagutin. Ang sabi niya, nagpapaalam siya kung siya na ‘yung pwedeng NPC representative sa UniTeam, papaano mo sasagutin yon?” ani Lacson sa mamamahayag.
“So sinabi ko kay SP (Senate President), hindi ako concern dito, hindi naman ako sa NPC, pero itong sulat niya hindi ko rin maintindihan, tinanong ko lahat ng staff ko papaano ko sasagutin ito? Walang makasagot,” paliwanag nito.

Sa isang pahayag, nilinaw naman ni Bistek na wala siyang sama ng loob sa dalawang senador. Katunayan, maganda na rin umano ang nangyari dahil mas malaya na siyang makakapagkampanya ngayon para sa UniTeam.
“My respect for Senators Lacson and Sotto has not diminished. I look up to them with appreciation for every thing they have done for the country. I wish both of them the best of luck,” dagdag pa ng dating alkalde.
Samantala, kinukumpirma na rin ni Lacson ang ulat tungkol sa ‘open endorsement’ na ginawa ni reelectionist senator Richard Gordon na dumalo naman sa proclamation rally ni VP Leni Robredo at Senador Kiko Pangilinan.

Si Gordon ay kasama rin sa kanilang lineup pati na sina Senador Juan Miguel Zubiri at Senador Sherwin Gatchalian na kapwa dumalo sa UniTeam proclamation rally.
Ani Lacson, maaari pa naman nilang tanggapin ang mga ‘guest candidates’ basta’t wala silang ‘open endorsement’ na gagawin para sa ibang kandidato dahil ito ang kanilang napag-usapan.