Vice Ganda surpresang pinag-shopping ang dalawang babaeng nakasalubong sa kalsada

Isa na namang nakatutuwang content ang ginawa ni Vice Ganda na bukod sa nakapagpasaya na ay nakatulong pa sa dalawang babaeng nakita lamang niya sa kalsada.

Sa kaniyang pinakabagong vlog sa You Tube, ibinahagi ng komedyante ang ginawang pa-shopping sa dalawang empleyado ng mall na nakasalubong lamang nila sa daan.

Kasama ang kaniyang assistant, naghanap sina Vice ng estranghero na mapapasaya sa araw na iyon at nakita nga nila ang dalawang babaeng naglalakad.

Ang hinahanap kasi nila ay yaong mga nakangiti dahil nakaka-attract umano ito ng good vibes at biyaya.

Matapos tanungin, game na pumayag naman ang dalawang babae lalo pa’t si Vice Ganda mismo ang nag-alok sa kanila na sumama.

Hindi naman sinabi ng  ‘It’s Showtime’ host kung saan sila pupunta hanggang sa humantong na nga sila sa isang mall.

Abo’t-abot naman ang tuwa ng dalawang magkaibigan dahil malaya silang pinayagan na makapamili ng mga gamit para sa kanilang sarili.

Bukod dito, lalo pang pinasaya ni Vice Ganda ang mga ito dahil inalok din silang ipamili na rin ang kanilang pamilya at mga mahal sa buhay.

Sa gitnang bahagi ng vlog, napag-tripan pa ng comedian-host ang dalawang babae. Sinabi kasi ni Vice na may ‘Part 2’ ang kanilang pagsa-shopping at kung hindi sila pumayag ay mafo-forfeit ang kanilang pinamili.

Bagama’t agad na pumayag ang isa, napilitan namang umatras ang kaniyang kasama dahil nagkataon na kailangan niyang pumasok at wala siyang karelyebo sa trabaho.

Habang malungkot na naglalakad paalis ang umatras sa ‘Part 2’, hinabol ito ni Vice at sinabing biro lamang ang kaniyang sinabi na ikinatuwa ng babae at halos mangiyak-ngiyak pa.

Sa bandang huli ay laking pasasalamat kapwa ng magkaibigan sa surpresang kanilang natanggap mula sa galanteng komedyante.

Umani naman agad ng views ang vlog ni Vice at sa loob lamang ng mahigit 20 oras ay mayroon na itong 900,000 views sa kaniyang YT channel.

Panoorin ang ‘Surprise Shopping for Strangers’ vlog ni Vice:

Post a Comment

Previous Post Next Post