Hindi napigilan na magpahayag ni Ogie Diaz – comedian, actor, at entertainment reporter – sa kanyang Twitter account kaugnay sa nag-trending na paraan ng pagbabalita ng Net25 na ‘Mata ng Agila’ hinggil sa mga anak ni outgoing VP Leni Robredo na sina Jillian, Tricia, at Aika, na inilarawan bilang ‘kulang sa pansin’ at ‘celebrity wannabes’.
Sa mahigit dalawang minutong video clip na ni-repost ni Ogie, ipinapahiwatig sa ulat na ang mga anak ni VP Leni ay nagpapasikat sa social media dahil sa kanilang mga post online. Kinumpara din dito ang mga anak ni Leni sa mga anak ni presumptive president Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos na tahimik lang umano ang mga ito sa social media at pinalaki nang maayos.

Makikita rin sa clip ang pakikipagkamay ni Sandro Marcos kay retired Comelec commissioner Rowena Guanzon na kilalang kritiko ng kaniyang ama.
“‘Yung naka-move ka na kung hindi man wagi si VP Leni, pero ang mga paid trolls, ‘di maka-move on kay VP Leni. Ano bang tawag sa mga ganitong klaseng nilalang?” pagbabahagi ni Ogie noong Mayo 24.
“Nakakalungkot no? Pati sila, ‘di maka-get over ke Leni. Ano pa kaya ang gusto nilang mangyari?” dagdag pa niya sa isa pang tweet kung saan ni-repost ang nasabing clip video.

Si Alex Santos, na dating news anchor ng ABS-CBN na taga-ulat na ngayon ng ‘Mata ng Agila,’ ang makikitang nag-uulat sa video.
“Gusto kaya ni broadcaster Alex Santos itong ginagawa niya o wala lang siyang choice?” tanong ni Ogie sa isang tweet.
“Quiet lang ang KBP ba dito? #Malamang,” sa panibagong nitong Twitter post.
Bumuhos ang reaksyon sa mga binitawang salita ni Santos sa ulat nito. “Mga anak ni outgoing vice president Leni Robredo kulang nga ba sa pansin kaya panay pasikat sa kanilang mga social media account?”
Gayundin sa pagpapatuloy ni Vin Pascua sa ‘pag-uulat’ na tinawag ng mga netizens na ‘biased commentary’ at hindi paghahatid ng balita.

Ayon sa isang Twitter user na isang journalist at educator, ang SMNI at Net 25 umano ay miyembro ng KBP (Kapisanan ng mga Broadkaster ng Pilipinas) na dapat sumunod sa KBP Broadcast Code sa responsableng pag-uulat ng balita at komentaryo.
“KBP officials confirm that SMNI and Net 25 are members of KBP. They should therefore comply with the KBP Broadcast Code, particularly on responsible news reportage and commentary.”
“Want to file a complaint? Please fill out this form (kbp.org.ph/complaint-form),” pahabol tanong pa ni Danilo Arao kasabay ng pagbibigay ng link para sa mga reklamo.
Ang Net25 ay istasyong pagmamay-ari ng Iglesia ni Cristo na nabili noong Mayo 4, 2000.