Tatlong bansa sa European Union (EU) ang nagbabala sa kanilang mga mamimili kaugnay sa isang sikat na Filipino noodles brand, dahil sa mataas umanong antas ng ethylene oxide; isang uri ng kemikal na karaniwang ginagamit bilang pesticide.
Sa magkahiwalay na advisories, ang mga pamahalaan ng Ireland, Malta, at France ay nag-recall ng ilang variant ng Lucky Me! noodle soup at pancit canton, partikular ang mga manufactured sa pagitan ng taong 2021 at 2022.

Kasama sa mga variant na ito ang original, hot chili, Calamansi, at chilimansi flavors ng Lucky Me! Pancit Canton, pati na rin ang Lucky Me! beef mami flavors.
“This pesticide is not authorized for use in foods sold in the EU. Although the consumption of the contaminated product does not pose an acute risk to health, there may be health issues if there is continued consumption of ethylene oxide over a long period of time. Therefore, exposure to this substance needs to be minimised,” sabi ng gobyerno ng Ireland sa advisory nito.
Napansin din ng gobyerno ng Ireland na ang ilan sa mga Lucky Me! na produktong na-recall ay ginawa umano sa Thailand.

Sinabi rin ng gobyerno ng France sa mga mamimili na ihinto ang pagkonsumo ng mga produkto, ibalik ang mga ito sa kung saan ito binili, o idispatsa na lamang ito.
Sa isang pahayag na inilabas noong Huwebes Hulyo 7, sinabi naman ng manufacturer at ng owner ng Monde Nissin ng Lucky Me na hindi ito nagdaragdag ng ethylene oxide sa kanilang mga produktong noodles.

“It is a commonly used treatment in spices and seeds to control microbial growth typical in agricultural products. These materials, when processed into seasoning and sauces, may still show traces of ethylene oxide,” sabi ng kumpanya.
Tiniyak din ni Monde Nissin na lahat ng Lucky Me! na produkto ay nakarehistro sa Philippine Food and Drug Administration (FDA), at sumusunod sa mga lokal na pamantayan sa kaligtasan ng pagkain at kahit sa US FDA standards para sa paggamit ng ethylene oxide.