Ang dating magkasintahan at loveteam na sina Andrea Brillantes at Seth Fedelin ay naghatid ng mga taos-pusong mensahe sa isa’t isa, ilang buwan matapos na tugisin ng mga kontrobersya.
Nagkita sina Andrea at Seth sa unang pagkakataon pagkatapos ng ilang buwang hindi pagkikita sa bloggers conference ng kanilang musical show na “Lyric and Beat.” Hindi naiwasan ng dalawa ang ilang nakaiintrigang tanong ng press.
Sa bloggers conference, pinaalalahanan ng aktor si Andrea na laging mag-isip muna bago sabihin o gawin ang isang bagay.

“Huwag mong kalimutan kung sino ka. Kahit saan ka dalhin ng panahon. Bago mo gawin yung isang bagay, isipin mo muna ‘yung kakahantungan,” sinabi ni Seth kay Andrea.
“Minsan sa buhay, may mga times na reckless ka pero sana sa times na ‘yun, ma-realize na lahat ng bagay dapat isipin. Lahat ng salita bago sabihin dapat pag-isipan,” dagdag pa nito.
Sa kabila ng masakit na pagtatapos ng kanilang relasyon, suportado pa rin ng young actor ang future endeavors ng aktres.
“Nasaksihan ko rin ‘yung mga moments mo na ikaw lang mag-isa. Alam kong kayang-kaya mo ‘yan. Minsan nga alam ko na ‘di mo kailangan ng katulong kasi strong ‘yung personality nito,” paglalahad niya.

Pero ang mas nagpaantig sa press ay nang mag-sorry siya kay Andrea although hindi niya ito ipinaliwanag.
Samantala, may nakaaantig din na mensahe ang 19-anyos para sa kanyang dating nobyo. Sinabi niya kay Seth na palaging bigyan ng higit na kredito ang kanyang sarili.
“Huwag mo maliitin ‘yung sarili mo. Ayokong lagi mong ugaliin. Alam kong mas capable ka pa para magawa lahat ng gusto mong gawin kung mas tataasan mo lang ‘yung tingin mo sa sarili mo. Deserve mo naman yun e,” aniya.
In-acknowledege rin ng aktres ang mga aral na natutunan niya kay Seth sa kanilang relasyon.
“Marami akong natutunan sa ‘yo. And thank you. Ngayon, mas alam ko na ‘yung dapat gawin, dapat hanapin, mas dapat isipin, at mas dapat hindi gawin,” wika ni Andrea.

Nilinaw ni Seth na wala siyang pinagsisisihan sa nangyari sa pagitan nila, na nagpapasalamat siya kay Andrea sa tunay na relasyon nila.
“Kilala ko po itong babaeng ito. Thank you kasi naging totoo ‘yung meron tayo. Wala akong pinagsisihan. Walang sana. Ang sana ko lang nagawa natin ito, may movie tayo na ganito. ‘Yun lang ang sana ko,” anito.
Sa press conference din ay inamin ng dalawa na hindi nila nakikitang muli silang magkakasama sa trabaho. Hindi pa sa ngayon.
Ayon sa kanila, ayaw nilang lumikha ng kalituhan sa kanilang mga fans, lalo na ngayong si Seth ay ipinapareha sa kapwa nila Gold Squad member na si Francine Diaz.