Mag-asawa dalawang araw hindi nakatulog dahil sa tampuhan, kinaaliwan online

Ganito rin ba kayo na kapag may tampuhan o alitan ay hindi makatulog? O hinahayaan na lamang lumipas ang inis at natutulog nang may tampuhan sa isa’t-isa?

Sa kabila ng away, good vibes pa rin online ang hatid ng mag-asawang ito mula sa Batangas City na ibinahagi ni Leo Rivera sa kanyang Facebook account noong Enero 8.

“Kaming mag-asawa, hindi kami natutulog [nang] may galit sa isa’t isa. Kaya eto, 2 days na kaming gising,” saad sa caption ni Leo.

Sa larawan ay makikita na gising na gising pa rin ang mag-asawa dahil sa kanilang tampuhan at inabot na umano sila ng dalawang araw na hindi pa rin natutulog.

Ayon kay mister sa panayam ng Inquirer, nagkaroon umano sila ng hindi pagkakaunawaan ng kanyang asawang si Xyrene bago kinuha ang larawan noong araw na iyon.

Tinanong kung ano ang pinag-awayan nila, sumagot siya, “Maliit na bagay lang naman po. Gusto (ko kasing) breakfast no’n ay pancit canton, pero ang iniluto niya ay itlog.”

Upang maiwasan ang kanilang pag-aaway sa bahay, sinabi ni Leo sa kanyang asawa, “Sana ‘pag (ang) ipinaluto ko ay canton, ‘wag itlog ang lutuin (niya).”

Dagdag pa ni Leo, dahil natutuwa siyang magbahagi ng mga meme at mga nakakaaliw na content online ay gumawa siya ng FB page na Leo TV.

Nitong Enero 11, ay nagbahagi muli ng larawan ang mister at sinabing, “Hindi na kami magkagalit ng aking asawa, Eto kakagising lang.”

Bumuhos naman ang komento at kinaaliwan ng netizens lalo na ang may mga kasintahan o asawa na naka-relate sa sitwasyon ni Leo.

“Pag kami naman mag-asawa magkagalit tuwang tuwa ako kasi nakakatulog ako nang mahimbing, walang isturbo, walang kakalabit. Pero si partner ‘di makatulog pag alam niya galit ako 24 hours ‘di ko papansinin.”

“Sana all may asawa para may kaaway, boring kasi mag-isa sarili mo lang kaaway mo.” hahaha

“‘Yung natulog kayo nang may away, ayun pag-gising mo malaya ka na.”

“Ginawa ko din ‘yan dati haha ending talo ako kaya ngayon eto self care. By myself.”

“Dati hindi ka makatulog pag may samaan kami ng loob ngayon palakasan kami ng hilik.”

Post a Comment

Previous Post Next Post