Para kay Ogie Diaz, naiintindihan niya ang diumano’y pagbili ni Mommy Pinty Gonzaga ng 500 tickets ng concert ng kaniyang anak na si Toni, kung sakaling totoo man ang ‘balitang’ ito.
Naiulat kasi ng Bandera noong isang araw ang usap-usapang matumal ang bentahan ng tiket ng 20th anniversary concert ni Toni na pinamagatang ‘I Am… Toni’ na gaganapin sa Smart Araneta Coliseum sa darating na Enero 20, base sa tsika ng kanilang source.

Sa katunayan raw, dumaan sa Aranete ticket booth noong isang araw si Mommy Pinty Gonzaga para bumili ng 500 na piraso ng tiket.
Isa ito sa napag-usapan nina Ogie at ng kaniyang mga cohosts na sina Mama Loi at Brenda sa vlog na ‘Ogie Diaz Showbiz Update’ kamakailan.
Naitanong kasi ni Brenda ang naturang tsismis. Aniya, “Speaking of Toni, totoo ba ‘yung tsika na bumili si Mommy Pinty ng 500 ticket para sa concert ni Toni?”

Bagama’t hindi naman nila sigurado kung totoo nga ito, sinagot pa rin ni Ogie si Brenda.
“Baka naman ano… ako rin naman kung sa akin mangyari ‘yun, na ‘yung anak ko may concert, susuportahan ko din,” paliwanag ng talent manager-host. “Parang popularity contest ‘yan sa school ‘di ba. Susuportahan mo ‘yung anak mo.”
Sundot naman ni Mama Loi, baka naman daw may mga kaibigan at kamag-anak sina Mommy Pinty na walang oras bumili ng tiket sa Araneta kaya sa kaniya na lamang sila bibili nito.

Subalit sinundan muli ito ng hirit ni Brenda: “Pero Kuya, 500 tickets ang binili ni Mommy Pinty, so ibig sabihin hindi malakas ang bentahan?”
Dahil dito, muling nagpaliwanag si Ogie na marahil daw ay isa itong paraan ni Mommy Pinty para suportahan ang kaniyang anak.
“Ako naman naniniwala ako… kung gaano mo kamahal ang isang tao, susuportahan mo. Siyempre nanay ‘yun Brenda, susuportahan niya ‘yung anak niya,” anito.

Kahit hindi kumbinsido si Brenda sa paliwanag ni Ogie, umaasa pa rin ang huli na sana ay kumita ang concert ni Toni Gonzaga dahil may nag-produce naman nito at maraming tao ang involved sa proyekto.
BASAHIN: Tickets para sa Araneta concert ni Toni Gonzaga mahina ang bentahan?
Panoorin ang kanilang tsikahan: